Hunyango (Ika-73 labas)

(True-to-life story ni P/Supt. Romulo E. Sapitula ng Western Police District (WPD).)

PAGKALIPAS nga ng isang buwan ay pinuntahan na niya ang kaibigan para tubusin ang isinangla niya ritong "mahalagang bagay." Tinupad niya ang sinabi. Sa totoo lang gipit pa rin siya ng mga panahong iyon at kung gugustuhin niya, maaari namang hindi muna kunin ang isinangla. Ngunit mahalaga nga sa kanya ang isinanglang "bagay" kaya pinagpilitan niyang matubos iyon.

Pinuntahan nga niya ang kaibigan na mula nang maisangla niya ang "mahalagang bagay" ay hindi na siya pinuntahan sa opisina. Para bang iniiwasan siya. Nagulat ang kanyang kaibigan sa pagdating niya. Para bang hindi inaasahan ang pagdating niya at sa hula niya ay ayaw na siyang makita.

"Ang aga mo Pare," sabi ng kaibigan, "ano ba ang sadya mo?"

"Tutubusin ko na ang isinangla ko Pare. Di ba sabi ko e isang buwan lang sa iyo ‘yun?"

Nag-isip ang kaibigan na para bang hindi malaman kung anong sasabihin. Mabilis makahalata si Sapitula at alam niyang may gustong ilihim ang kaibigan.

"Eto nang perang ibinigay mo sa akin isinosoli ko na. Maraming salamat."

"Pare kahit hindi mo na ibalik ‘yan," sabi ng kaibigan na ikinagulat ni Sapitula.

"Pare hindi yan ang usapan natin. Eto na ang pera mo at kukunin ko nang isinangla ko."

"Pare balikan mo na lang next week puwede?"

Para hindi humaba ang usapan ay pumayag si Sapitula.

Binalikan nga niya ang isinanglang bagay pagkalipas ng isang linggo subalit urung-sulong pa rin ang kaibigan. At nagkatotoo ang kutob niya, nagkaroon ng interes ang kaibigan sa "mahalagang bagay" na isinangla niya.

"Bayaran ko na lang ito Pare. Type na type ko lang talaga," sabi ng kaibigan.

"Minana pa ‘yan ng tatay ko sa kanyang ama. Mahigpit ang bilin sa akin, huwag ibibigay sa iba. Nang isangla ko ito sa iyo, napilitan lang ako."

Ilang ulit pa siyang pinilit ng kaibigan. Talagang ayaw nang bitiwan ang mahalagang bagay. Kung hindi siya nagpakita ng tigas ay baka hindi na iyon ibinigay sa kanya ng kaibigang itinuring niyang isang "hunyango".

Show comments