HINDI alam ni Sapitula kung ano ang nagawa niyang tulong sa Intsik na bigla na lamg nagtungo sa kanyang opisina nang araw na iyon ng Sabado dakong alas-nuwebe ng umaga. Nagkataon naman na ipinagsama niya ang dalawang anak na lalaki.
"Good morning Colonel," sabing nakatawa ng Intsik na ang mga mata ay hindi na halos makita dahil sa kasingkitan. Hindi na niya maaalala kung saan nakita ang Intsik. Hindi rin niya alam ang pangalan.
"Ano po ba ang maipaglilingkod ko?" tanong ni Sapitula sa Intsik.
"Ako meron lang bigay sayo Colonel."
Nagtaka si Sapitula kung ano ang ibig sabihin ng Intsik na ibibigay sa kanya. Nasulyapan niya ang dalawang anak na nakatingin sa dumating na Intsik.
Pinaupo ni Sapitula ang Intsik. Sa tantiya niya ay mga 50 taong gulang ito.
"Ikaw gawa akin mabuti. Kundi dahil sa iyo baka sira na negosyo ko. Basta ikaw ano kailangan sabi lamang akin Colonel. Gusto mo TV dito, ref, mesa, tawag mo lang sa akin."
Hindi niya maintindihan ang Intsik. Hanggang sa maalala niya na ang Intsik ay humingi ng tulong sa kanya sapagkat nakumpiska ang mga paninda nito gayong legal naman ang operasyon at nagbabayad ng buwis. Hindi na niya malaman pa ang ibang detalye kung bakit sila nagkakilala ng Intsik.
Ang nakagulat kay Sapitula ay nang ilabas ng Intsik ang namumutok nitong pitaka at inilabas ang balumbon ng pera. "Para sa yo Colonel, tanggapin mo. Marami pa ko bigay sa iyo," sabi at tumawa. Lalong nawala ang mga mata.
Tinanggihan ni Sapitula ang pera.
"Ang pagtulong ko sayo ay bahagi ng sinumpaan kong tungkulin at wala yung bayad," sabi niyang walang gatol.
"Sige na Colonel. Para ako bayad sa ginawa mo sa akin."
Napailing si Sapitula. At sa sulok ng kanyang mga mata, nakita niyang nakatingin ang dalawang anak sa ginawa niyang pagtanggi sa maraming pera na ibinibigay ng Intsik. (Itutuloy)