Naawa sa mga bata (Ika-65 labas)

True-to-life story ni P/Supt. Romulo E. Sapitula, Commanding Officer ng WPD-Mobile.

NANG ilalabas na nina Sapitula ang nakaposas na drug pusher ay naglitawan ang maraming anak nito. May anim o pito marahil ang mga anak na ang pinaka-maliit ay ang karga ng asawa ng pusher. Patda si Sapitula. Lalo na siyang natigilan nang may magsimulang umiyak at ang iba ay yumapos sa kanyang binti. Nang muli niyang tingnan ang mga bata ay nakita niya sa mga mata ng mga ito ang pagmamakaawa na para bang sinasabi na huwag nang dalhin sa presinto ang kanilang ama. Sino ang bubuhay sa kanila kung makukulong? Paano na sila?

Naaawa siya sa mga bata, subalit dapat ipatupad ang batas. Nakagawa nang kasalanan ang kanilang ama kaya dapat itong magdusa. Mas lalong mabigat kung hindi mapaparusahan ang nagkakalat ng bawal na gamot. Mas marami itong pipinsalaing kabataan. Naipakulong ni Sapitula ang drug pusher dahil sa kanyang pagpupursige. Tiniis niya ang tanawin ng mga kaawa-awang mga bata.

Ang pangyayaring iyon ang para bang lalo pang nagpalapit sa puso ni Sapitula sa mga bata. Kapag nagdaraan siya sa Roxas Bouleavard at nakakakita ng mga batang nagpapalimos ay nakadarama siya ng pagkaawa. Kung may magagawa nga lamang siyang tulong.

Noong Dec. 26, 1999, dalawang kahon ng candies ang dinala niya sa Roxas Boulevard at ipinamahagi sa mga batang kalye. Tuwang-tuwa ang mga bata. Mas malaki ang kasiyahang nadama ni Sapitula at pinangarap niya na sana’y mas malaki pa roon ang maipagkaloob niya sa mga bata.

Isa rin sa hindi niya malilimutang pangyayari ay nang masunog ang Damas Pilipinas noong 1999. Ang Damas Pilipinas ay isang ampunan. Sina Sapitula ang unang nagresponde sa naganap na sunog. Halos madurog ang puso ni Sapitula nang makita ang mga nasunog na bata.

(Itutuloy)

Show comments