Hindi nagsamantala (Ika-63 labas)

True-to-life story ni P/Supt. Romulo E. Sapitula, Commanding Officer ng WPD-Mobile

KINAKALADKAD ng dalawang bayarang babae ang Japanese na nakilalang si Oike Muneake sa kahabaan ng Querino Avenue dakong alas-kuwatro ng umaga January 13, 1999 nang mamataan ng mga tauhan ni Sapitula. Mabilis na lumapit ang dalawang pulis na sakay ng mobile car para alamin ang nangyayari. Nang makita ng dalawang babae ang papalapit na mobile car ay mabilis na nagtakbuhan ang mga ito at nawala sa dilim. Ang Japanese ay lasing na lasing at nahiga na sa bangketa. Hindi na kaya ang katawan sa dami ng nainom na alak.

Tinulungan ng mga pulis ang lasing na si Oike na kahit na patay na sa kalasingan ay hawak pa rin nang mahigpit ang kanyang pitaka. Nahulaan ng mga lumapit na pulis, na ang pitaka ni Oike ang puntirya ng dalawa kaya kinakaladkad. Balak nakawan.

Isinakay ng dalawang pulis si Oike para dalhin sa headquarters. Nahimbing na si Oike at nang tingnan ng dalawang pulis kung magkano ang pera nito sa pitaka ay P40,000 pala. Bukod doon ay may mga alahas pa si Oike. May katwirang magkainteres ang dalawang babae na halatang mga "pokpok".

Hindi sinamantala ng dalawang pulis ang pagkalasing ni Oike. Nang iharap kay Sapitula si Oike ay mabilis naman itong umaksiyon. Dinala sa Japanese Embassy si Oike. Nang mahimasmasan si Oike ay ganoon na lamang ang pasasalamat sa dalawang pulis at ganoon din kay Sapitula. Sinabing kung hindi sa dalawang pulis ay baka kung ano na ang nangyari sa kanya. (Itutuloy)

Show comments