MAY mga pulis na naliligaw ng landas, ito ang nabanggit ni Sapitula. May mga gumagawa ng labag sa batas. Hindi kaila na nakulapulan ng dumi ang uniporme ng mga pulis dahil sa paggawa ng katiwalian. Ang pagiging corrupt ng mga pulis ang naging dahilan kung bakit karamihan sa kanila ay hindi na pinagtitiwalaan ng taumbayan.
Subalit ayon kay Sapitula, kung may mga masasamang pulis, mayroon din namang tapat sa tungkulin at hindi dinudungisan ang uniporme nilang suot. Hindi nga lamang sila nakikilala nang lubusan.
May pagmamalaking sinabi ni Sapitula na kabilang siya sa mga pulis na hindi kayang dumihan ang suot na uniporme. Hindi itinataas ni Sapitula ang sarili pero hindi siya kayang suhulan. Sa matagal-tagal na rin niyang pagseserbisyo, hindi niya nagawang mangotong na gaya ng ginagawa ng iba pang pulis.
Isang magandang halimbawa ay nangyari noong June 16, 1999.
Limang Chinese nationals ang hinuli ng mga tauhan ni Sapitula dahil sa traffic violation at pagda-drive habang nasa impluwensiya ng alak. Dinala ang limang Chinese sa opisina ni Sapitula. Habang beniberipika ang mga papeles ng limang Chinese, biglang dumating ang isang nagngangalang Martin Yyang, may-asawa at owner/manager ng Island KTV sa Binondo, Manila at hinarap si Sapitula.
"Asan limang Chinese?" tanong ni Yyang sa pagaril na pagsasalita.
Si Sapitula ay nagulat sa tanong ni Yyang. Sino ang lalaking ito na akala moy hari kung magtanong? Sinabi ni Sapitula na nasa isang kuwarto sa DMPU ang limang Chinese at iniimbestigahan ang mga ito.
"Eto P20,000 palayain mo mga Chinese na kaibigan ko!"
Nagpanting ang taynga ni Sapitula. Naningkit ang kanyang mga mata sa pagkakatingin sa animoy hari at walang modong si Yyang.
(Itutuloy)