NALINIS ang pangalan ni Sapitula at walong pulis kaugnay ng Robinsons shootout. Napawalang-sala sila ng Korte. Natupad ang dalangin ni Sapitula. Ang kanyang pagnonobena kay Santa Rita ay nagkaroon ng matamis na bunga. Sa pakiramdam niya, nabunutan siya ng malaking tinik. Kayganda ng pakiramdam makaraang lumabas ang katotohanan.
Ang pangyayaring iyon ay lalo lamang nagdulot ng ibayo pang pagsisikap ni Sapitula na gampanan ang tungkulin bilang pulis. Protektahan at pagsilbihan ang mamamayan.
Isa pang hindi malilimutang karanasan ni Sapitula ay nang isang kilabot na carnapper ang kanyang nakasagupa. Nagsasagawa siya ng inspection dakong alas-4:12 nang ma-monitor niya na isang Ford Laser ang kinarnap. Naispatan umano ng Mobile Car-307 ang kinarnap na kotse may plakang NTH-567 sa Plaza Lacson, Sta. Cruz. Nakatunog ang carnapper at pinaputukan ang Mobile Car-307. Nagkaroon ng habulan. Iniutos ni Sapitula ang pag-implement ng Oplan Dragnet. Sakay ng Mobile Car-308 mabilis na pinatakbo iyon ni Sapitula sa direksyon ng Del Pan Bridge. Pumusisyon siya sa South approach ng tulay at inilabas ang "mahaba". Nang makita niya ang paparating na kotseng may plate number NTH-567 ay pinahinto. Subalit sa halip na huminto pinaputukan siya. Gumanti ng putok si Sapitula. Sapol ang lalaki sa kotse.
Agad siyang lumapit sa kotse at nakita ang duguang lalaki. Sa pag-iinspeksiyon sa kotse nakita niya ang nakasabit na ID sa loob ng kotse. Nabasa niya: Atty. Rafaelito Garayblas, secretary ni Manila Mayor Alfredo Lim. Sindak siya! Si Atty. Garayblas yata ang nabaril niya. (Itutuloy)