ANG ginawa ng babae na biglang paghiga sa kalsada ay nakadagdag sa tensiyon. Ang babae at nalaman nina Sapitula ay asawa ni Victor Meneses, ang drug pusher na kanilang inaresto. Hindi sila makakilos sapagkat buong tapang na nakahiga ang babae na para bang handang magpasagasa.
Lumingon kay Sapitula ang kasamahang pulis na nagda-drive ng owner. Naghihintay ng utos. Nasa likod ang dalawa pang pulis at nakaalalay kay Meneses. Pakiramdaman.
"Ano Sir?" tanong sa kanya ng driver.
Sa pagkakataong iyon ay naging mabilis ang pasya ni Sapitula.
"Sige sagasaan mo," sabi niyang malakas na parang ipinaririnig sa babaing nakahiga sa kalsada. Inulit pa niya ang pagsasabi, "Sagasaan mo na!"
Pero iyon ay taktika lamang ni Sapitula. Isang paraan para matakot at umalis ang babaing nakahiga. Ini-rebolusyon ng drayber ang makina at umangil na para bang galit na maninibasib at talagang mananagasa. Umusad. Pero lihim na tinatapik ni Sapitula ang hita ng drayber na huwag magpapabilis. Isa pang rebolusyon ng makina at nakita na lamang nina Sapitula ang biglang pagbangon ng babae at kumakaskas ng takbo. Takot din palang mamatay ang babae.
Nakaalis sina Sapitula nang ligtas sa Meneses compound.
Kinasuhan si Meneses ng paglabag sa RA 6425 at tinutukan ni Sapitula ang prosekusyon. Habambuhay ang hatol kay Meneses ni Judge Catalino Castañeda ng RTC Branch 7 ng Manila.
Nagtagumpay si Sapitula laban sa salot ng lipunan.
(Itutuloy)