Kailangan ng tulong (Ika-24 labas)

True to life story ni P/Supt. Romulo E. Sapitula,Commanding Officer ng WPD-Mobile.

TUWANG-TUWANG nagpaalam kay Sapitula si Mr. Hayag at ang pitong kasama na nagpakilalang mga pulis-Cavite. Sumaludo sa kanya ang mga pulis. Sa pakiwari ni Sapitula, nabunutan ng tinik si Mr. Hayag dahil sa pagkaka-recover ng lisensiyadong baril. Naisip ni Sapitula, isang tao na naman ang kanyang natulungan. Talagang magaan sa dibdib kapag may taong natutulungan.

Ang pangyayaring iyon ay nakalimutan na ni Sapitula.

Hanggang isang problema ang sumulpot. Nang umuwi siya noong December 1990 sa Rosario, La Union para dalawin ang mga magulang ay napansin niyang malungkot at walang gana ang kanyang ina. Kapag ganoon, alam niyang may problema ang inang si Adeling.

"Me problema ba ‘Nay?" tanong niya.

Hindi agad nakasagot ang ina. Parang naninimbang kung sasabihin o hindi sa anak ang anumang nagpapagulo sa isipan.

"Siguro’y mabigat ‘yan," sabi niyang nakangiti.

Noon sumagot ang ina.

"Mahina nang pag-aalaga ng baboy. Marami nang kakumpetensiya. Balak namin ng tatay mo e magbiyahe na lamang ng gulay at prutas."

"Anong problema ‘Nay?"

"Wala naman kaming sasakyan. Kailangan ay jeepney."

Proble-ma nga, naisip ni Sapitula. Kawawa naman ang mga magulang kung walang pagkakakitaan. Ano ang kanyang maitutulong sa mga magulang.

"Me pera naman akong nakatago pero P50,000 lamang. Kasya ba sa jeepney ‘yun anak?" tanong ng ina.

Napailing si Sapitula. Sa tantiya niya ay mga P200,000 ang jeepney. Saan nila kukunin ang P150,000?

Noon naisip ni Sapitula si Mr. Hayag na gumagawa ng Malagueña jeepney.

(Itutuloy)

Show comments