Kung gaano kabagsik si Sapitula sa mga gumagawa ng kasamaan, malambot naman ang kanyang puso sa mga nangailangan. Bukod sa may takot sa Diyos, ang pagiging matulungin ang isa sa kanyang katangian. Isa iyon sa mga magagandang ugaling itinanim sa kanya ng mga magulang. Nakatanim sa kanyang isipan ang pangaral ng mga magulang na tulungan ang sinumang nangangailangan. At bilang pulis, ang tumulong sa kapwa ay bahagi ng kanilang tungkulin. Hindi lang para proteksiyunan kundi tumulong sa abot ng makakaya.
Hindi niya malilimutan ang isang pangyayari noong January 1990. Dakong 5:30 ng umaga nang dumating siya sa kanilang headquarters sa UN Avenue. Maaga siyang pumasok. Nakaugalian na niya iyon mula pa nang maging pulis. Sa pagpunta sa kanyang opisina ay dalawang pulis ang nakita niyang natutulog sa pasilyo. Nagtataka siya kung bakit maaga ang dalawang pulis. Hindi niya pinansin ang dalawang pulis at nagtuloy siya sa kanyang opisina.
Isang oras ang nakalipas ay may kumatok sa pinto. Nagtataka siya kung sino ang maaga niyang bisita. Binuksan niya ang pinto. Isang lalaki na may 60-anyos marahil ang nakita niya kasama ang pitong lalaki na sa hinala niyay mga pulis din. Nakasibilyan ang mga ito. Kinabahan siya. Ganoon man, pinapasok niya ang mga bisita.
Nagpakilala ang matandang lalaki na si Mr. Hayag.
Napakunot-noo si Sapitula. (Itutuloy)