DIYATAT ang tinamaan nilang suspect ay biktima! Gustong tumindig ng balahibo ni Sapitula. Subalit saglit lamang ang kanyang pagkagulat. Hindi siya nadaya ng pagmamakaawa ng suspect. Sanay na siya sa pakikipaglaro sa mga "halang ang kaluluwa". Nagduda siya at nirekisa ang identification ng suspect bago dinala sa Ospital ng Maynila. Hindi siya nagkamali, umaarte lamang ang suspect. Hindi ito biktima kundi suspect sa maraming serye ng panghoholdap at pangingidnap. Nakilala ang suspect na si Gerardo Boluso, 32, ng Console Villa, Bayanan, Bacoor, Cavite.
Namatay sa ospital si Boluso samantalang ang mga kasamahan niyang nahuli ay ipinrisinta kay President Gloria Macapagal-Arroyo na kasalukuyang nasa Manila Cathedral ng araw na iyon. Nakuha sa mga suspect ang mga baril at granada na ginagamit nila sa panghoholdap at pangingidnap. Ligtas na nasagip ang kidnap victim na si Richard dela Cruz, 30.
Binigyan ng parangal si Sapitula kasama ang kanyang mga kasamahan sa mabilis na pagkaaresto sa mga suspect. Kinasuhan ang mga naaresto ng kidnapping for ransom at illegal possesion of firearms.
Pagkatapos ng pangyayaring iyon ay hindi pa rin makapaniwala si Sapitula na ang isang naghihingalo ay maaari pang makapagsinungaling. Ang alam niya, ang isang mamamatay na ay hindi na nagsisinungaling. Para bang nauulinigan pa niya ang pagmamakaawa ng suspect na tulungan sapagkat siya ang biktima. Magaling na artista ang suspect subalit hindi naman ito kinagat ng alertong si Sapitula. Kung gaano siya kabilis sa pagtatanggol sa mga biktima, ganoon din kabilis umandar ang kanyang utak. Hindi siya malalansi ng kalaban.
Maraming beses nang naharap sa panganib si Sapitula at halos ay kulang pang sabihin na nasa hukay ang kabiyak na bahagi ng kanyang katawan. Bawat saglit ay panganib. At alam niya bahagi ng kanyang sinumpaang tungkulin ang pagharap sa panganib para maprotektahan ang mamamayan.
Hindi niya malilimutan ang pangyayari noong July 12, 1989 dakong alas-3:11 ng hapon nang dalawang kilabot na holdaper ng dyipni ang kanyang nakasagupa sa Loyola St. Namataan niyang nililimas na ng dalawa ang mga pera at alahas ng mga pasahero. Nang makita siya ng dalawa ay nagpaputok ang mga ito. Bang! Bang! Bang!
Gumanti si Sapitula at bumulagta ang dalawa. (Itutuloy)