MATINDI ang sikat ng araw ng hapong iyon ng Sept. 2, 2002 dakong 1:30. Pumapaso sa balat ang init. Ang hangin ay mainit ang singaw. Para bang nagpapahiwatig na may magaganap na mainit na engkuwentro sa dakong iyon ng Intramuros, Manila.
Banayad ang usad ng mga sasakyan patungong Anda Circle. Hanggang isang puting KIA Vesta van na may plakang WPA-343 ang biglang lumusot sa mahabang pila ng mga sasakyan. Parang may tinatakasan ang KIA at gustong iligaw ang sinumang sumusunod. Hanggang sa pumunit sa kainitan ng araw ang wangwang ng Mobile Car 302. Sinundan ang KIA. Humaharurot ang KIA patungong Gen. Luna St. sa kanto ng Anda St. at saka biglang kumaliwa sa Beaterio St. Biglang tumigil. Sa lakas ng preno ay halos mag-apoy ang gulong at nakangingilo ang tunog. Nakabuntot sa likuran ang nagkumpol na mga Mobile Car.
Kasabay ay ang pagbubukas ng pinto ng KIA at mabilis na naglabasan ang anim na lalaking sandatahan. Nagpabuga ng mga tingga. Bang! Bang! Bang!
Gumanti ang mga pulis. Pak! Pak! Pak! At lalo nang naging mainit ang panahon sa nagbugahang mga tingga. Ang hangin ay lalo nang naging mainit ang singaw. Humalo ang usok na ibinuga ng mga baril.
Nang matapos ang barilan, isa ang nakabulagta at duguan. Ang apat na iba pa ay parang mga dagang walang masulingan at nakataas ang mga kamay. Hindi na maaaring makatakas. Ang isa ay tumakbo at hinabol ng mga pulis na nawala sa mataong lugar.
Ang tinamaang suspect nang lapitan ni Supt. Romulo Sapitula, team leader, ay nagmakaawa. "Biktima ako! Ako ang biktima, Sir! Dalhin nyo ako sa hospital!"
Nanindig ang balahibo ni Sapitula. Diyatat ang nabaril nila at matagal nilang minamanmanang mga suspect ay hindi mga kriminal? Nagkamali yata ng tawag si Bening Batuigas ng Pilipino Star NGAYON na nag-tip sa kanya tungkol sa grupong nakasakay sa KIA. (Itutuloy)