Sa sinabi ng Saudi ay lalo akong nabuhayan ng pag-asa.
"Esmi Mohammad Romaili," sabi nito. Siya raw si Mohammad Romaili. Tinanong ang pangalan ko. Sinabi ko.
Nakarating kami sa embassy nang walang problema. Nang bababa na ako ay sinabing mag-ingat ako.
"Ma-as-salama," sabi ko. Paalam.
"Alla yisal, limak," sagot naman nito sa akin. Pagpalain daw ako ng Diyos. Pinatakbo na nito ang kotse pagkatapos.
Maraming tao sa embassy. Sinabi ko sa mga opisyal doon ang nangyari at sila na ang gumawa ng paraan para ako ilipat sa pangangalaga ng OWWA. Dinala ako sa isang center na sadyang laan sa mga run-away maid at doon ako inilagak. Aayusin daw ang aking kaso.
Ang hindi ko inaasahan ay nang makita sa center na iyon si Vicky. Tumakas din pala ito sa kanyang amo. Payat si Vicky. Halatang may sakit. Ang tigas ng mukha ay hindi ko makita. Kaiba noon na may yabang at landi sa mga kilos. Ikinuwento ko ang mga nangyari sa akin.
"Hindi ko na kaya ang ginagawa sa akin ni Mayman. Sinaksak ko siya pero hindi tinamaan."
"Mabuti hindi mo napatay. Mabait si Lord sa atin. Binibigyan pa tayo ng panahon para magsisi."
Binanggit na ni Vicky ang Diyos. Kaiba na nga siya. (Tatapusin)