Lumabas ako sa pinto at tuluy-tuloy na bumaba sa hagdan. Tiyak na ang aking mga hakbang nang tunguhin ko ang aking kuwarto sa ibaba. Nasa may pintuan na ang bag ng aking damit na inihanda ko na sa ganoong pagkakataon. Dinampot ko iyon at mabilis na tinungo ang pintuan.
Hindi ko na tiningnan kung nasaan si Mayman. Ang nasa isip ko ng mga sandaling iyon ay makalabas sa bahay at bahala na. Hindi ako lumilingon. Kailangang makalabas ako bago muli dagitin ng hayok na si Mayman. Nabuksan ko sa isang hatak ang gate na bakal. Hindi ko na isinara.
Matindi ang init sa labas pagkat pasado ala-una ng hapon. Tumakbo na ako. Kumaliwa agad patungo sa highway. Kabisado ko na ang lugar. Maraming nagdadaan doong mga Pinoy. Sa kanila ako hihingi ng tulong.
Isang taksi ang nakita kong paparating. Pinara ko. Pinoy ang drayber.
"Kabayan, tulungan mo ako, rereypin ako ng amo ko. Pasakayin mo ako!"
Nakita ko sa mukha ng Pinoy ang pagkatakot. Baka masabit siya. Pinaharurot nito ang taksi palayo. Gusto kong mawalan ng pag-asa. Iniisip kong baka nasundan na ako ni Mayman.
Isang sasakyan ang nakita kong paparating. Pinara ko sa pag-aakalang taksi iyon. Isang private car pala at ang driver ay isang Saudi.
"Weyn tamshi?"
Hindi ako makasagot sapagkat baka kapahamakan muli ang aking kamtin. (Itutuloy)