Kasaysayan ni Nelia ng HK: 'Bahid ng hinala'

(Ika-108 labas)
(Ang kasaysayang ito ay nangyari sa Riyadh, Saudi Arabia. - Editor)

ANG ikinatakot ko sa pagkakataong iyon ay baka dumating si Mrs. Mayman at maratnan niya ako sa kanilang kuwarto. Hindi ko naman maaaring ikatwiran na nililinis ko iyon sapagkat naka-schedule na tuwing umaga ko iyon nililinis. Magkakaroon siya ng hinala na may ginagawa ako roon. Hindi naman tanga si Mrs. Mayman. Tiyak na malaking gulo ang mangyayari kapag nagkaganoon.

Pinakiramdaman ko ang nangyayari sa labas ng kuwarto. Idinikit ko ang aking taynga sa pinto para malaman kung nasaan na ang hayok na si Mayman at si Rashid. Sumilip ako sa maliit na butas sa pinto. Nasa may puno ng hagdan ang mag-ama. Dinig na dinig ko ang kanilang pag-uusap sapagkat malakas.

"Aina hiya, Nelia?"
tanong ni Rashid. Ako ang hinahanap. Hindi muna sumagot si Mayman sa anak. Marahil ay nagtataka kung bakit ako agad ang hinahanap.

"Aina zahaba?"
tanong pa ni Rashid. Saan daw ako nagpunta.

"Emshi elal shouk,"
sagot ng gorilyang si Mayman. Nasa store raw ako.

Ano raw ang ginagawa ko sa store? Bumibili ng shawarma, sagot. Ang boses ni Mayman ay hindi halatang sa isang nagsisinungaling. Gusto ko nang lumantad sa pagkakataong iyon. Gusto kong sabihin na nasa kuwarto ako sapagkat may gagawin sa aking masama ang gorilya. Pero tanga nga siguro ako. Mahina ang ulo. Walang lakas na loob na lumaban. Takot.

Patuloy sa pag-uusap ang mag-ama. Nakita kong sumulyap sa kuwartong kinaroroonan ko si Rashid. Para bang naghihinala siya.

"Ayomken liya dokhul?"


Kinabahan ako sa tanong niya. Kung maaari raw siyang pumasok sa kuwarto ng ama at ina. Tinanong ni Mayman kung bakit. Kukunin ang bagong bola para sa korat kadam na inilagay niya sa cabinet doon kahapon.

"La,"
mabilis na sabi ni Mayman. Hindi raw maaari. At ito na ang nagprisintang kumuha ng bola para sa anak.

Mabilis na tumakbo sa kuwartong kinaroroonan ko at pinagsabihan akong huwag lalabas at gagawa ng ingay. Malikot ang mga mata. Mabilis na kinuha ang bola sa cabinet at bago lumabas ay sinabi "Hal tafhamani?"

Ulol, gusto kong sabihin sa kanya. Matakaw ka sa laman. (Itutuloy)

Show comments