True Confession ni Nelia, isang DH sa HongKong: 'Nahuli sa akto' (Ika-97 labas)

PAGKATAPOS kong damputin ang nakabilot na pera, narinig ko ang sigaw ni Mr. Mayman.

"Shinu hada?"


Natulig ako sa sigaw. Nanuot sa aking taynga. Hindi ako makakilos sa pagkabigla. Nakita pala ni Mr. Mayman ang pagdampot ko sa pera. Pababa ng hagdan si Mr. Mayman. Nagtataka ako sapagkat kanina ay wala namang tao sa itaas. Sigurado akong wala si Mr. Mayman doon kaya nga pinag-interesan ko na ang pera.

Sa pagsigaw ni Mr. Mayman nagsisi ako kung bakit natuksong damputin iyon. Huli ako sa akto. Para akong daga na nahuli ng pusa habang sakmal pa ang pagkain.

Subalit sa mga ganoong pagkakataon, sa kabila na nahuli nang nasa kamay ko na ang pera, nakaisip ako ng gagawing paraan.

"Shu sar?"
tanong pa ni Mr. Mayman nang nasa baba na. "Ma ma nadak?" Ano raw ang ibig sabihin niyon.

"Nasiya riyals,"
sagot ko. Sinabi kong nakita ko ang mga pera at dadalhin ko sana sa kanya sa itaas. Sabi ko pa’y nalimutan niya kanina habang nagbibilang.

Napailing-iling si Mr. Mayman na para bang hindi naniniwala sa aking sinabi. Hindi siya kumukurap sa pagkakatingin sa akin.

"Kam riyals?"


Hindi ako sumagot. Paano ko sasagutin gayong hindi ko naman alam kung magkano ang perang nakita ko sa sopa.

Humakbang sa akin si Mr. Mayman at napaatras ako. Kung pupuwersahin niya ako, tatakbo ako palabas ng bahay at bahala na. Hinigpitan ko ang hawak sa pera. (Itutuloy)

Show comments