"Shay!" sabi ni Mr. Mayman na ikinagulat ko. Shay pa uli. Ganoon kalakas at kabilis uminom ng shay si Mr. Mayman. Kahit na mainit ay kayang-kayang inumin. Ang shay daw kasi ay walang kuwentang inumin kapag malamig na. Kailangang mainit pa ay ubusin na ito. Dinampot ko ang maliit na baso at sinalinan ng shay. Sa pakiwari ko, nasarapan pa si Mr. Mayman sa pagkakatimpla ko ng shay. High grade na tsaa ang ginagamit nina Mr. Mayman. Parang nagluluto ng kapeng barako ang paggawa. Magpapakulo ng tubig at saka ibubuhos ang pulbos na shay.
"Cater fulos," sabi ko kay Mr. Mayman na ang ibig sabihiy maraming pera. Patuloy naman sa pagbibilang si Mr. Mayman ng pera. Hindi ko malaman ang aking sarili kung bakit binibigyan ko ng daan si Mr. Mayman para niya ako kausapin. Naaakit kasi ako sa dami ng pera na kanyang binibilang.
Napatangu-tango lamang si Mr. Mayman na para bang hindi binibigyang-halaga ang aking sinabi.
Nang sa palagay koy wala nang iuutos si Mr. Mayman ay umalis na ako sa harapan niya at nagtungo sa kusina. Subalit kahit nasa kusina ay sinisilip ko siya sa ginagawa. Ipinagpatuloy ko ang paglilinis sa mga kaldero.
May kalahating oras marahil ang nakalipas ay wala na akong naririnig sa salas. Sinilip ko kung naroon pa si Mr. Mayman at nagbibilang ng pera. Wala na! Umakyat na marahil.
Para makatiyak ay nagtungo ako sa salas. Wala na nga si Mr. Mayman. At nasapol ng tingin ko ang perang nakabilot na nasa dakong sulok ng sopa. Hindi marahil nakita ni Mr. Mayman dahil abala sa pagbibilang. Nalimutan na marahil.
May nag-uutos sa aking kunin ang pera at itago. Malaking halaga na iyon. Subalit naisip ko: baka pain iyon sa akin ni Mr. Mayman. Kapag kinuha ko, ay baka ibintang sa akin na ninakaw ko! (Itutuloy)