AKONG alas-dos pa lamang ng hapon noon ng dumating si Mr. Mayman. Nang sumilip ako sa bintana at matiyak na siya nga ang dumating ay nabuhay na naman ang kaba sa aking dibdib. Hindi agad ako nakakilos sa pagkakatayo sa bintana habang sinisilip ang pagpasok ng kotse sa gate. Iyon ay may tatlong buwan lamang ang nakalilipas mula nang pagmasahehin niya ako. Naisip kong baka pagmamasahehin na naman ako ng gorilya. Ang kaba ng aking dibdib ay naging sunud-sunod na nang marinig ko ang pagbubukas ng pinto sa unahan. May sariling susi si Mr. Mayman kaya hindi na siya kumakatok pa para pagbuksan. Ako lamang ang walang susi sa bahay na iyon.
Isang oras pa bago dumating si Rashid galing sa unibersidad. Iyon ay kung wala itong ensayo sa paglalaro ng kurat qadam. Naibulong ko na sana ay dumating si Rashid ng alas-tres. Kung may gagawing masama sa akin si Mr. Mayman, maaaring maabutan niya.
Ipinagpatuloy ko ang paglilinis sa kusina. Kahit na kinakabahan ay nakahanda naman ako. Pinakikiramdaman ko ang pagpasok ni Mr. Mayman sa kusina. Wala akong maramdaman. Patuloy ako sa paglilinis ng mga mal aqa at iba pang kagamitan sa kusina.
Hanggang sa marinig ko ang pagtawag ni Mr. Mayman. Maghanda raw ako ng shay (tea) at dalhin sa salas. Ang pag-uutos ay marahan at parang sa isang nakikiusap.
Kinakabahan man ay naghanda ako ng shay at dinala sa salas. Sa aktong iyon ko nakita si Mr. Mayman na inilalabas sa attache case ang maraming pera. Ipinatong ang mga nakataling pera sa sopa.
Ibinaba ko ang shay sa pandak na mesa sa gawing kanan ni Mr. Mayman. Nagsimula namang bilangin ni Mr. Mayman ang pera. Kay lulutong ng dadaaning riyals! Napalunok ako. Ipinakikita yata sa akin talaga ni Mr. Mayman ang maraming perang iyon. Tinatakaw yata ako ng gorilya. Baka papalitan ng pera ang aking puri? (Itutuloy)