Iyon ang unang itinanong sa akin ni Mrs. Mayman nang bumungad ako sa pinto ng bahay. Nakakunot ang noo nito at walang kakurap-kurap. Anong oras na raw? Ang tinig ay may bigat.
"As-sa,a, wahida," sagot ko naman. Ala-una na ng hapon.
Napailing-iling si Mrs. Mayman at ang kasunod niyon ay ang walang tigil na pagsasalita na ang ilan ay hindi ko maintindihan. Sumisigaw ang pagsasalita na hindi ko malaman kung dahil sa pagkainis. Subalit ang lahat nang maaaring mangyari ay pinaghandaan ko na. Kung ako ay kanyang sasaktan, maaari akong tumakbo palabas ng bahay at bahala na. Kung ako naman ay kanyang mumurahin, matitiis ko iyon. Hindi naman bumubukol ang mura. Kaya kong tiisin ang masasakit na salita lalo na kung mumurahin niya ako sa Arabic. Mumurahin ko rin siya sa Pilipino at amanos lang kami.
"Me ain taji?" tanong pa ni Mrs. Mayman na ang pagkakunot ng noo ay mas lalo pang nadagdagan. Saan daw ba ako galing at bakit ngayon lang ako dumating.
"Ana aji men Batha," sagot ko. Galing ako sa Batha.
"Lema za tosafer?"
Hindi ko gaanong maintindihan ang tanong. Ganoon pa man, ipinalagay kong tinatanong nito kung ano ang ginawa ko roon. Sinabi kong nakita ko ang isang kaibigang babae at nagkuwentuhan kami. Lalo na akong minura ni Mrs. Mayman, bakit daw inuna ko pa ang pakikipagkuwentuhan. Minura ako nang minura at nagbagsak pa ng mga gamit. (Itutuloy)