Magda-dalawang taon na ako kina Mr. Mayman nang magpasya akong bumili ng alahas. At si Rashid pa ang nag-udyok sa akin na bumili. Itinuro niya sa akin ang isang tindahan sa Batha na maaaring bilhan ng mga alahas. Ganoon si Rashid, inaalala ako. Gusto kong sabihin na siya na ang bumili para sa akin subalit naaalala ko na baka maging mitsa pa iyon nang pagkakatuklas ng aming relasyon.
Sinabi ni Rashid na sa Batha raw ay maraming Filibin. Doon daw ang tagpuan ng mga Filibin sapagkat maraming tindahan (shouk) at maraming produkto na galing sa Pilipinas. Sa totoo lamang ay hindi pa ako nakalalabas ng bahay at ang tanging naabot ko lamang ay ang grocery na malapit sa aming tirahan.
Isang Biyernes ng umaga ay nagpaalam ako kina Mr. and Mrs. Mayman para magtungo sa Batha. Nagtataka si Mrs. Mayman sa aking gagawin sa Batha. Nanlalaki ang mga mata. (Itutuloy)