Hindi ko naman tinatanong subalit nabanggit ni Rashid sa paputol na Ingles at Arabik na ang dati raw nilang maid na Filibin ay mahinang kumilos o magtrabaho. Hindi rin daw palakibo at mas madalas na nasa kanyang kuwarto. Sinabi pa ni Rashid na hindi sila gaanong naging close ng maid.
"Fatima mafi kuwais," sabi ni Rashid. Hindi raw mahusay si Fatima na dati nilang maid. Taga-Cotabato si Fatima.
"Nelia, kuwais," sabi muli sa akin at tumawa.
Lalo namang napuno ng kasiyahan ang aking puso sa papuri ni Rashid. Masasabi kong hindi nagbibiro o binobola lamang ako ng aking among tinedyer. Sa pakiwari ko ay totoo ang kanyang papuri.
Tinanong ko kung ano ang itsura ni Fatima na dati nilang maid.
Napailing-iling si Rashid. Umasim ang mukha pagkaraan.
"Mafi kuwais, Fatima," sabi.
"Hindi maganda?" tanong ko.
"Pangith Fatima. Ikaw mas magandah."
Humagalpak na naman ako ng tawa. Masarap makipag-usap sa kumag na si Rashid.
(Itutuloy)