Huli na para kipitin ang dakong leeg ng aking daster. Nakita na ni Rashid ang mga prutas at ipinagpatuloy ko na lamang ang pag-upo may isang dangkal ang layo sa tabi niya. Pasalampak akong umupo sa damuhan. Nang tingnan ko si Rashid ay para pang nahihiya at nagpapaumanhin. Para bang nagkasala nang makita ang mga prutas na papaya. Sigurado ako na noon lamang nakakita ng ganoong uri ng prutas si Rashid. Sa palagay ko, ang kanilang pambansang prutas lamang ang lubos niyang kilala ang dates. Nagsisimula pa lamang ang pagbibinata ni Rashid. Birhen pa at walang kamuwangan. Marami pang dapat kainin para malaman ang maraming bagay. Naiisip ko ang mga tayog ng aking imahinasyon na walang sawa kong inuulit kung gabi. Kaming dalawa ni Rashid ay magkasama sa isang kama. Pinagalitan ko naman ang aking sarili sa walang pagpipigil na kalandian. Inalis ko ang isiping iyon.
Makaraan kong tingnan si Rashid ay iniyuko nito ang ulo at nilaru-laro ang tuyong sanga ng eucalyptus na nasa dakong paanan niya. Pinutol ang sanga at saka walang anumang itinapon sa dako roon.
"Hindi bah ikaw sira-uloh?" tanong nito.
Humagalpak ako ng tawa. Ang salitang iyon lamang yata ang alam ni Rashid.
"Siguro nga ay sira ang ulo ko," nasabi ko na lamang kay Rashid.
"Ma ma na dak?"
(Itutuloy)