IBIG kong magpari! Iyon ang kulang na hinahanap ko sa aking buhay. Isang paring Katoliko ang aking hinanap at nagpatulong para makapasok sa seminaryo. Nakadagdag sa desisyon kong maging pari ang mga kakatwang pagpapakita sa akin ng Panginoong Jesus at Birhen Maria. Paulit-ulit Sila sa aking panaginip. Pati ang patron ng aming bayan na si Señor Santiago ay akin ding napanaginipan.
Mabait naman at maunawain ang pari na aking nilapitan at ako ay kanyang tinulungan para makapasok sa seminaryo. Dinala niya ako sa Franciscan Seminary sa Novaliches, Quezon City. Hindi maipaliwanag na kaligayahan ang aking nadama nang makapasok sa seminaryo. Iyon nga yata ang hinahanap kong lugar na makapupuno sa kakulangan ng aking buhay.
Subalit hindi rin natupad ang aking pangarap na maging pari sapagkat lumabas din ako sa seminaryo. Humingi ako ng bakasyon. Nang hindi na ako pinatawag ng Franciscan seminary ay alam kong hindi ako nakatakdang maging pari. Tinanggap ko naman iyon nang maluwag sa aking kalooban. Alam kong may ibang plano sa akin ang Diyos kung bakit ako lumabas sa seminaryo.
Sa kasalukuyan ay may mabuti at maayos akong trabaho at ni minsan ay hindi na tumikim ng salot na droga. Sunud-sunod din ang mga magagandang pangyayari sa aking buhay mula nang talikdan ko ang droga.
Ang kasaysayan kong ito sana ay kapulutan ng aral ng mga kabataang nalululong sa droga. Magbago na kayo habang may panahon pa. Ang tunay na heaven ay matatagpuan lamang sa piling ng Diyos at hindi sa piling ng droga. (Itutuloy)