PARA bang malakas na puwersa na humigop sa akin kung kaya sumama ako sa aking pinsang babae para mag-Bible study. Hindi ko maipaliwanag ang pangyayaring iyon sapagkat parang may bumubulong sa aking sumama upang matagpuan ang matagal ko nang hinahanap na kakulangan sa aking buhay. Naging sunud-sunuran ako sa aking pinsan na isang Katoliko.
Isang kapilya ang aming pinuntahan. At sa aking pagtataka ay parang mga bata na edad marahil 5-taon ang naratnan namin doon. Sa pagkamangha ko, silang lahat ay nagro-rosary. Taimtim na taimtim sila sa pagro-rosaryo na sa pakiwari ko ay pinakikinggan ng Diyos ang sabay-sabay nilang pagsasakripisyo. Para akong napahiya sa sarili sapagkat ako ay hindi marunong mag-rosaryo. Wala akong kaalam-alam sa mga kahulugan ng butil ng rosaryo.
Ang nagli-lead sa mga bata ay halos kasinggulang din nila at hindi ko maipaliwanag ang hatid sa puso kong kasiyahan sa nasaksihan kong iyon. Pakiramdam koy mga anghel silang nagsisikanta ng papuri sa Panginoon.
Iyon ang naging simula ng pagbabalik-loob ko sa Diyos at hindi lamang ang pagrorosaryo ang aking natutuhan kundi pati ang pagnonobena at puspusang pag-unawa sa Bibliya. Pakiramdam ko bay gumaan ang aking kalooban sa pangyayaring iyon na tinanggap ko ang Diyos .
Bago natapos ang 1991 ay lubos kong tinanggap ang Diyos. Bumili ako ng bagong Bible. At ganap kong kinalimutan ang masama kong bisyo ang droga.
At sa pagbabalik-loob ko sa Diyos ay marami naman ang nagtaka at hininalang nasisiraan ako ng ulo. Nakikita kasi nila na gabit araw ang hawak ko ay Bibliya. (Itutuloy)