PARA akong may deperensiya sa pag-iisip dulot ng grabeng pag-abuso sa droga. Pansamantala nga lang akong huminto sa paggamit subalit mas matindi nang balikan ko ang masamang bisyo. Lalo pa akong nalulong sa salot na droga at hindi ko na pinahalagahan ang trabaho. Dahil na naman sa impluwensiya ng barkada muli akong nalubog sa kumunoy ng illegal drugs.
Abnormal na nga sa akin ang lahat. Kung anu-ano ang aking mga naiisip at para akong nagkakaroon ng halusinasyon. Naroon ngang maisip kong magpakamatay. May mga sandali rin naman na nahihiya ako sa mga ginagawa at natatakot akong malaman ng ibang tao ang aking masamang bisyo. Ikinatakot kong malaman ng iba na may sira ang ulo sa aming pamilya. Kung anu-ano pa ang aking naisip.
Dahil sa labis kong pagkasugapa sa droga ay marami akong naranasan o naramdamang kakaiba sa aking sarili. Dumating sa punto na apektado na ang paglalakad ko. Pakiramdam ko bay tagilid na ang aking nilalakaran o dinaraanan. Hindi pantay. Kaya ang ginagawa ko, itinatagilid ko na rin ang aking katawan sa paglalakad. Wala na akong pakialam sa mga nakakakita at ipinapalagay ko pa ring hindi nila alam ang aking mga ginagawa. Naniniwala ako noon na wala pang nakabubuking sa aking masamang bisyo. Para bang tumigas ang aking isip at puso at pilit na pinaniniwalang iyon ang tama. Binubulag ako ng sariling paniniwala. Patuloy ang pagbulong at pagmaniobra ng isang hindi maipaliwanag na puwersang nakasanib sa akin.
(Itutuloy)