ANG lahat mga biyayang natamo at matatamo pa ni Ka Asyong ay utang niya unang-una na sa Diyos. Kung hindi dahil sa tulong at awa ng Diyos, imposible umano niyang makamit ang lahat ng nasa kanya ngayon. Kaya naman bilang pasasalamat, hindi siya nakalilimot maglingkod sa kanilang parokya ang Our Lady of Mercy Parish. Malaki ang kaugnayan ng parokyang ito sa buhay ni Ka Asyong. Sa simbahang ito sila ikinasal ng asawang si Liling. Hindi niya malilimutan na ang simbahan noon ay yari sa kawayan at kugon ang bubong at sa simbahan pang iyon nagsisimba ang mga taga-San Jose del Monte, Bulacan.
Maraming taon na ring naglilingkod si Ka Asyong sa nasabing parokya. Hindi siya pumapalya kung Linggo. Bago buksan ang kanyang tindahan ay nakapagsimba na siya. Panata na niya iyon kaya naman marahil pinagpapala siya. Patuloy pa ang pag-unlad ng kanyang negosyo.
Malaki rin ang utang na loob niya sa Halili Transit at Jacinto Steel kung saan siya nagsimula at nagpatibay sa kanya para tanggapin ang hamon ng buhay. Malaki rin ang pasasalamat niya kay Dr. Felipe Roque na nagsalba sa kanya noong panahon ng giyera sa sakit na malaria. Ganoon din kina Gen. Guillermo Francisco ng Amparo Subd., Mr. Tan na nagturo sa kanya na maaaring magnegosyo kahit na walang pera basta may "puso". Nagpapasalamat din siya sa mga espiritu ng kanyang mga ninuno at mga kamag-anak na pinaniniwalaan niyang tumulong sa kanya
(Tatapusin)