Sino nga ba ang mag-aakala na ang isang dating konduktor ng bus noon at dumadaing sa hirap ng buhay ay magiging lider ng kung anu-anong asosasyon. Ang totooy wala sa hinagap ni Ka Asyong na ang apelyidong Bonifacio ay magiging bukambibig sa Novaliches. Wala rin sa hinagap niya na ang pagiging palakaibigan ay mag-aakyat sa kanya para mahalal sa marami-rami rin namang civic association. Hindi niya pinangarap ang ganoon pero nangyari at nagampanan niya nang mahusay.
Ang mahusay niyang pakikisama at pagkakaroon ng mabuting reputasyon ang nagbigay ng daan kay Ka Asyong para pagtiwalaan ng kanyang mga kakilalat kasamahan sa Novaliches. Pinamunuan niya ang Novaliches Foundation, Inc. at sa may isang taong termino ay marami siya nagawang tulong para mapaunlad ang samahan at nakapagbigay din ng tulong sa iba pang nangangailangan. Layunin ng foundation na mapaganda at maging maganda ang Novaliches.
Naging pangulo siya ng Buenamar Subdivision at naging chairman ng Friday Club. Ang Friday Club ay isang asosasyon na ang layunin ay makatulong sa mga taga-Novaliches. Nagsasagawa sila ng free medical and dental mission.
Bukod sa pamumuno sa mga nabanggit, si Ka Asyong din naman ang punong-abala sa kanilang angkan ang Bonifacio clan sa buong Metro Manila. Masyado niyang mahal ang kanilang angkan kaya taun-taon ay nagtitipon sila at nagsasama-sama o nagre-reunion. Ibig niyay matibay ang samahan. Siya rin ang punong-abala ng Porciuncula clan na mula rin naman sa father side niya. Pinagkakatiwalaan nang labis si Ka Asyong.
Kilala na nga ang apelyidong Bonifacio sa Novaliches at walang hindi nakakakilala sa kanya. Hindi naman daw sa pagmamayabang maski si dating President Marcos ay kilala siya. Minsan daw na bumisita si Marcos sa Novaliches noong kabababa lamang ang martial law ay tumigil ang limousine nito sa harap ng kanyang tindahan. Kasama umano ni Marcos si Imelda.
"Kumusta Mr. Bonifacio?" tanong umano ni Marcos nang dumungaw sa bintana.
"Mabuti po Mr. President," sagot naman daw niya. (Itutuloy)