Kuwento ng tagumpay ni Ka Asyong (Ika-33 labas)

(Kasaysayan ni Ignacio S. Bonifacio ng Novaliches,Quezon City)

TAIMTIM na nanalangin sa Diyos si Ka Asyong na patigilin ang kanyang pag-ubo upang siya ay makatulog dahil hirap na hirap na siya. Nangako siyang ititigil na ang paninigarilyo. Dininig ang kanyang panalangin at mahimbing siyang nakatulog.

Hanggang sa managinip siya na umano’y may isang tinig siyang narinig na nagsabing "Alam mo bang sa bawat hitit mo ng sigarilyo ay nagtutungo ito sa iyong baga at sinisira iyon. Masama sa katawan ang paninigarilyo."

Ilang ulit umano niyang narinig ang tinig na hindi naman niya malaman kung saan nanggagaling.

Kinabukasan ay magaan na magaan ang katawan ni Ka Asyong dahil sa sarap ng pagtulog. Hindi niya nalimutan ang pangako na ititigil na ang paninigarilyo. Dapat niyang tuparin iyon. Alam niyang mahirap sapagkat maraming taon na siyang naninigarilyo. Ayon kay Ka Asyong, 12 years old lamang siya nang magsimulang manigarilyo. Noon ay panahon ng Hapon at kasapi siya ng gerilya. Ayaw man niyang manigarilyo sapagkat mahigpit na bilin ng kanyang ama ay hindi rin niya nasunod. Sa bundok na kanilang kinaroroonan ay maraming lamok na nagdudulot ng malaria. Upang maitaboy ang lamok, kailangan ay usok.

Hanggang sa tuluyan na siyang maging chain smoker. Umuubos umano siya ng dalawang kahang sigarilyo sa maghapon.

Nang lumala ang giyera ay nagkaroon ng kasalatan sa sigarilyo. At sa kahirapang iyon ay kailangan nilang mga gerilya na gumawa ng paraan kung paano makapaninigarilyo na hindi na kailangan ang tabako.

Nagpapatuyo sila ng dahon ng papaya at iyon ang ibinabalot nila sa papel at ginagawang sigarilyo. Solve ang kanilang problema.

Kung paano naihinto ni Ka Asyong ang paninigarilyo ay isang kapana-panabik na kuwento na hindi niya malilimutan. Maski sa kanyang sarili ay hindi niya akalain na magagawang itigil ang paninigarilyo sa isang iglap lamang. Kung gugustuhin ng sinumang chain smoker na tumigil sa bisyong sigarilyo ay maaari. Determinasyon lamang ang kailangan.

(Itutuloy)

Show comments