Tatlong araw sa ospital si Ka Asyong. Sa loob ng panahong iyon ay natuto siyang umihi nang nakahiga at nakatagilid. Pinilit niya at tinulungan ang sarili sa kabila na napakahirap ng kalagayan. Umuwi sila ng bahay. Problema rin kasi sa gastos sa ospital at kung tatagal doon ay baka lalo siyang magkasakit sa taas ng babayaran.
Ipinaliwanag ni Ka Asyong, batay sa mga ginawang pagsusuri ng mga doktor sa Chinese General Hospital na marami talaga siyang kidney stones. Ayon kay Ka Asyong, maihahalintulad ang kidney stones niya sa isang gabi (uri ng lamang-ugat). Maraming "anak" ang kanyang kidney stone. Kapag natatanggal ang mga "anak" nagkakaroon ng sakit. Ang itsura umano ng kidney stone ay katulad ng batong panghilod at magaspang.
Habang nasa bahay unti-unting nagkaroon ng pagbabago sa kalagayan ni Ka Asyong, parang himala na patayo na siya kung umihi at hindi katulad nang nasa ospital na nakahiga siya.
Isang hatinggabi, pinuwersa niyang umihi. Ubos-lakas. Nagkaroon naman iyon ng magandang resulta. Lumabas sa wakas ang nagpapahirap sa kanya. Singlaki iyon ng butil ng mani! (Itutuloy)