KUNG ang cancerous na nunal ni Ka Asyong ay nagdulot ng pangamba at pagkatakot sa kanya, hindi naman niya malilimutan ang kirot na idinulot sa kanya ng problema sa kidney. Nagkaroon siya nang maraming bato sa bato (kidney stones). Ayon kay Ka Asyong, sobra ang kirot na kanyang naranasan na ang lahat ng santo ay kanyang tinatawag dahil sa hirap. Sa bawat pagkilos niya ay nagdudulot ng sakit ang bato na halos ay mapahiyaw siya sa kirot. Sobra! Hindi umano niya malilimutan ang karanasang iyon na para bang gusto na niyang matapos na ang lahat ng paghihirap.
Hirap na hirap siyang umihi at may kasamang patak ng dugo. Walang kasing sakit ang pag-ihing iyon. Para bang mamamatay na siya sa tindi ng sakit.
Isang gabi, dakong alas-diyes ay sinumpong na naman ang bato sa bato at pakiramdam ni Ka Asyong ay mas masakit ang pagkirot na iyon. Hindi na niya kaya. Isinugod siya ng mga anak sa Chinese General Hospital. Sa sasakyan ay patagilid ang kanyang pagkakahiga. Sa kabila na ang sakit ay halos lumamon na sa kanyang pagkatao at magpawala sa katinuan hindi niya nalilimutan ang Diyos na bukod-tanging makapipigil sa anumang kapahamakang mangyayari sa kanya.
Pagdating sa ospital ay sinuri kaagad siya ni Dr. Benigno Ong. Habang sinusuri ay parang nahihibang umano niyang nasabi kay Dr. Ong na, "Bibigyan kita ng isang libong piso ngayon din kung magagamot mo ako at mawawala ang sakit na nararamdaman ko."
Pinasukan ng tubo si Ka Asyong at inalis ang ihi sa pantog. Umanoy may isang gallon ang nakuhang ihi sa pantog niya. habang sumasailalim sa prosesong iyon ay mataimtim na nagdarasal si Ka Asyong at tinatawag ang kaluluwa ng ama. Sa bawat pag-aalis ng ihi sa kanyang pantog ay nakadarama ng ginhawa si Ka Asyong.
Suhestiyon ng doktor na operahan si Ka Asyong upang alisin ang bato subalit hindi pumayag si Ka Asyong. Ayon sa kanya, malapit nang malaglag ang batong nagpapasakit sa kanya. Nararamdaman niyang malapit na sa kanyang ari. Alam niyang sa tulong ng Diyos ay malalampasan niya ang paghihirap.(Itutuloy)