LIKAS na madasalin si Ka Asyong. Sa anumang gawain ay laging humihingi siya ng awa at tulong sa Diyos na nagiging dahilan ng kanyang pananagumpay. Lahat ay nalalampasan niya at madaling nabibigyan ng solusyon ang anumang problemang kanyang hinaharap. Hinihiling niyang bigyan siya ng liwanag ng kaisipan at gabayan sa lahat ng oras. Sa Diyos niya utang ang lahat kung bakit narating ang tagumpay na nilakipan ng sipag at tiyaga.
Ang mga ipinangako niya sa kanyang amang namatay ay magaan niyang natupad. Napag-aral ang mga kapatid at nang magsipag-asawa ang mga ito ay siya pa ang nagpakasal. Bukod sa awa ng Diyos na alam niyang susi ng tagumpay niya, nararamdaman ni Ka Asyong na nakasubaybay din ang kaluluwa o espiritu ng kanyang ama at tinutulungan siya. Naniniwala siyang ang mga kaluluwa nang malalapit niyang kamag-anak kung hihingi ng tulong sa mga ito ay tiyak na darating at magtutulung-tulong para malutas ang kanyang problema. Kakatwa man, maraming beses na niya itong napatunayan. Naniniwala siyang maski nasa kabilang buhay na ang kanyang ama at malalapit na kamag-anak, malaki pa rin ang nagagawang tulong sa mga naiwan lalo na nga sa panganib o sa mga biglaang pangangailangan.
Una siyang naniwala na mayroon talagang kaluluwa ang tao sapagkat nang gabing iuwi nila ang bangkay ng kanyang namatay na ama mula sa Jose Reyes Memorial Center ay nadama niya iyon. Nang papasok na sila sa nayon ng Bagbag dala ang bangkay ng ama ay walang tigil sa pag-alulong ang mga aso. Para bang may nakikita ang mga aso na hindi naman makita nina Ka Asyong kung ano iyon. Noon nagkaroon ng paniwala si Ka Asyong na ang tinatahulan ng mga aso ay ang kaluluwa ng kanyang ama. Mula noon naniwala si Ka Asyong na sinusubaybayan siya ng kaluluwa ng ama at tinutulungan sa mga problema. Pero ayon sa kanya, una pa rin ang Diyos na kanyang pinaniniwalaan. Mula rin noon ay iginalang niya ang mga kaluluwa o espiritu.
Ikalawang masasabi niyang "himala" na kaloob ng Diyos at katulong din ang kaluluwa ng ama at kamag-anak ay nang magkaroon siya ng malubhang sakit may ilang taon pa lamang ang nakararaan.
Nagkaroon siya ng bleeding. Tatlong araw siyang dumumi ng dugo. Ipinasya siyang isugod sa Novaliches General Hospital. Matapos suriin ay nagulantang si Ka Asyong nang sabihin ng doktor na may butas ang kanyang bituka. Tatlo ang butas. (Itutuloy)