NOONG unay hindi ko pinapansin ang guwapong Arabo na madalas pumupunta sa bahay. Magara ang kotse nito. Naisip kong baka kamag-anak lamang nina Sir Al-Ghamdi. Pero nagtataka ako kung bakit napakadalas magpunta sa bahay. Minsan ay mararatnan pa namin ni Sir sa gabi. Nang panahong iyon ay malamig na malamig na ang pakikitungo sa akin ni Sir kaya hindi ko magawang magtanong kung sino ang guwapong Arabo.
Sumunod na mga araw pa ay hindi na ako ang naghahatid sa school kay Aziza. Nagulat na lamang ako nang sabihin ni Sir na siya na ang maghahatid dito sa school. Hindi na ako nagtanong pa kung bakit at hindi na rin ako nagtaka. Naisip kong baka nagkakaroon na ng hinala si Sir at siyemprey wala nang tiwala dahil sa pagkakaroon namin ng relasyon ni Ellie.
Hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon kay Aziza. Ayaw na niya. Ako pa ang naghabol at nagmamakaawa sa kanya para masundan pa ang aming lihim na "pagtatagpo" at pagsasalo sa bawal. Nasabik ako sa ginawa niya sa akin.
Hanggang sa matuklasan ko ang dahilan ng panlalamig at pag-iwas sa akin ni Aziza. "Nabili" na pala siya ng guwapong Arabo na madalas kong makitang bumibisita sa kanila. Wala na akong karapatan. Nasaktan din ako kahit paano.
Hanggang isang gabi, biglang nagliwanag ang buong kabahayan. Maraming bisita sina Sir. Pawang mayayaman. Nakita ko ang mayaman at guwapong Arabo na nakabili kay Aziza. Nahulaan ko, pormal nang pag-uusap ang kasalan.
Biglang-bigla, naisip kong dapat ay umuwi na ako sa Pilipinas. Para ano pa ang itatagal ko sa Saudi Arabia. Naisip ko, marami akong pagkukulang sa aking mag-ina. Maraming dapat pagsisihan.
Pasilip-silip ako sa pinto ng aking kuwarto ng gabing iyon at minamatyagan ang nangyayari sa kabilang bahay. Nasilip ko si Aziza at ang guwapong Arabo na nag-uusap sa may bintana. (Itutuloy)