ANG totooy hindi nagbabago ang aking pasya na umuwi na rin sa Pilipinas para magkasama kami ni Ellie. Plantsado na ang gagawin kong pagpapaalam kay Sir Al-Ghamdi nang mag-isang linggo makaraang makaalis si Ellie. Mas gusto ko pa ngang kaasaran na ako ni Sir para magkaroon ng dahilan sa aking pag-alis. Subalit ang planong iyon ay hindi nagkaroon ng katuparan dahil kay Aziza. Ang totooy ayaw ko nang masangkot sa dalagang Araba sapagkat baka matuluyan na ako. Pakiramdam ko, inoobserbahan ako nina Sir at Mam.
Hindi ko na nga kinakausap si Aziza at hindi na rin nagpapakita ng pagkakataon para magkaroon ng ugnayan. Naging maging maingat ako at kung gaya ng dati ay hindi ko isinasara ang pinto ng aking kuwarto lalo sa gabi, ikinakandado ko na iyon upang walang makapasok na gaya ng ginawa noon ni Aziza at nina Ellie at Tet. Ngunit kahit pala umiiwas sa gulo kung sadyang kapalaran mo ang mapasok dito ay mangyayari pa rin. Sabi nga, kahit na harangan ng barbed wire ang daraanan ay makalulusot pa rin kung gugustuhin.
Para bang natunugan ni Aziza ang aking balak na pag-alis sa paninilbihan sa kanila at siguroy nahalata rin na hindi na ako masigla mula nang mapaalis si Ellie. Ma zababo hosnak? (Bakit daw ba lagi akong malungkot?) Simple at mabilis niyang tanong nang maaktuhan akong nagwawalis ng mga dahon ng eucalyptus sa may gate isang umaga. Hindi ako umimik sapagkat ayaw kong lumikha ng daan. Subalit ito nga ang gumawa ng paraan para kami makapag-usap kinabukasan at siguroy para na rin malasap ang mga hindi naituloy.
Nagkataong isang kasalan ang kanilang dinaluhan kinabukasan. Kasal ng isang pinsan ni Sir. Imbitado ang buong mag-anak. Ilang beses na silang dumadalo ng ganoong klase ng kasalan. At sanay na sanay na ako sa paghihintay sa mag-anak habang ginaganap ang kasalan na kadalasang natatapos ng alas-dos o alas tres ng madaling araw lalo na kung may-kaya sa buhay ang ikinakasal.
Nang gabing iyon ay masaya ang kasalan. May-kaya ang napangasawa ng pinsang babae ni Sir kaya nagliliwanag ang buong kabahayan. Malayo pa kami sa bahay ay natatanaw na sa malayo ang malaking bahay. Katabi ko sa unahan ng Suburvan si Muhammad at nasa likod ang tatlong kapatid. Nasa Pajero naman sina Sir at Mam at si Aziza. Nakabuntot lamang kami sa Pajero.
(Itutuloy)