Yapak Sa Bubog (Ika-142 Labas)

(Batay sa kasaysayang ipinadala ni Ren E. ng Al-khobar, Saudi Arabia. Ang iba pang pangalan at lugar ay sadyang binago sa pakiusap ni Ren.)

TULUY-TULOY na pumasok si Ellie sa departure area. Hindi na siya tumingin sa akin. Hanggang sa makihalo na siya sa iba pang pasahero roon at hindi ko na nakita. Nakadama ako ng kalungkutan sa aming paghihiwalay. Para bang iyon na ang huli naming pagkikita.

"Emshe!"


Nagulantang ako sa sigaw ni Sir Al-Ghamdi. Matagal na pala niya akong pinanonood habang tinatanaw ko si Ellie. Kumilos na raw ako at kailangang makarating kami sa bahay nang maaga.

"Etla,"
sabi pang may pagkayamot. Umalis na raw kami. Saka lamang ako lubos na natauhan. Dapat kong tanggapin na wala na sa piling ko si Ellie. Kawawang Ellie. Bakit nga ba hindi pa ako sumama sa kanya. Sana ay nagpaalam na rin ako kina Sir. Ganoon pala ang nadarama kapag umalis ang isang taong nagkaroon ng bahagi sa buhay. At sinisisi ko ang sarili dahil hindi ko man lamang siya naipagtanggol.

Habang nasa sasakyan kami at tumatakbo ay hindi ako kinakausap ni Sir. Nasa huling upuan siya. Dati-rati ay katabi ko siya sa upuan sa harapan subalit hindi ko alam kung bakit dumistansiya na siya. Para bang nagkaroon ng pader sa aming pagitan.

"Asre!"
sabi ni Sir. Bilisan ko raw ang pagpapatakbo. Nagulantang na naman ako sa kanyang sinabi. Pinabilis ko ang kotse at para akong nalunod.

Kinabukasan ay nakadama na agad ako ng pagbabago sa aking buhay. Unang-una’y kinakitaan ko ng pagkayamot sa akin si Sir. Nahuhulaan kong dahil iyon sa nabuking na relasyon namin ni Ellie. May kasalanan din ako kahit na sinabi ni Aziza na si Ellie ang nagtutungo sa aking kuwarto. Iniisip marahil na kung tumanggi ako, baka hindi nangyari ang imoralidad at hindi kami maaabot ni Aziza sa malaswang tagpo.

Ganoon man, hindi ko na pinansin si Sir. Kung hindi niya ako imikan ay okey lamang at mas maganda nga kung tuluyan na niya akong sisibakin para makaalis na rin ako. Hindi ko na hihintayin pa ang isang linggo para mag-isip. Sa totoo lamang, gusto ko nang umalis at sundan si Ellie.

Subalit may karugtong pa pala ang panlalandi sa akin ni Aziza para malimutan kong sundan si Ellie sa Pilipinas. Nasira na naman ang aking plano dahil sa paghahangad ng dalagang Araba na matikman ang matagal na niyang pinapangarap.

Show comments