Kaming dalawa nga ni Sir ang naghatid kay Ellie sa airport kinabukasan ng gabi. Nang lumabas kami sa gate ay nasulyapan ko si Aziza sa may bintana. Nakatingin sa amin. Ang pagkakangiti ay malalim at makahulugan. Sa tingin ko, masaya sa tagumpay. Hindi nakita ni Ellie si Aziza sa huling sandali.
Habang hinihintay namin si Sir na matapos sa pagdarasal (inabutan kasi kami ng salah sa airport) ay masinsinan ang pag-uusap namin ni Ellie. At ewan ko ba kung bakit sa pagkakataong iyon ay ipinangako ko kay Ellie na desidido na akong umalis na rin sa paninilbihan kina Sir. Gaya nga ng sabi ko sa kanya, mga isang linggo lamang ay magpapaalam na rin ako kina Sir.
Nakatingin sa akin si Ellie. Para bang hinahanap ang katotohanan sa aking mga sinabi.
"Kung binibiro mo lamang ako e bahala ka," sabing matatag. "Sanay na naman ako sayo."
"Hindi ako nagbibiro. Tayo ang magsasama sa Maynila."
"Paano ang pamilya mo?"
"Hati-hati."
"Sabagay, matagal mo na rin naman silang niloloko."
"Gusto ko mag-abroad uli tayo pagdating mo sa Pinas."
"Dito rin sa Al-Khobar?"
"Huwag. Mag-Hong Kong tayo."
"Ano namang trabaho ko roon?"
Hindi na nakasagot si Ellie sapagkat nakita namin ang paglapit ni Sir. Dumistansiya ako kay Ellie.
Si Sir ang naghatid kay Ellie sa Immigration. Pumasok si Ellie. May pinirmahang release paper si Sir at tuluy-tuloy nang pumasok si Ellie sa loob patungo sa gate ng sasakyang eroplano. Hindi na siya tumingin sa akin. (Itutuloy)