ISINUMBONG na nga ni Aziza ang pangyayari sa kanyang mga magulang. Mataas ang boses ni Mam Noor at sumasalit din naman ang boses ni Sir Al-Ghamdi. Mula sa aking kinaroroonan, hindi maikakaila ang mga mauurirat na pagtatanong ni Mam Noor kay Ellie. Ang umaga ay naging makulimlim sa akin gayong noon ay papasok na ang tag-init. Ewan ko subalit iyon ang unang pagkakataon na masama ang umaga ko sa buong panahon ng pagtatrabaho ko sa Al-Khobar.
"Tafadhal," narinig kong sabi ni Mam Noor na ang ibig sabihiy magsalita na si Ellie. Sa pakiramdam ko ay hindi pa nagpapaliwanag si Ellie. Sa pakiwari koy hinihintay munang makatapos sa pagsasalita ang mag-asawa. Kumukuha ng buwelo.
"Hal tafhamani," sabi naman ni Sir Al-Ghamdi. Noon ko rin unang narinig na nagsalita nang matigas at malakas si Sir. Marahil ay hindi ito makapaniwala sa natuklasan ni Aziza. Marunong din nga palang magalit si Sir.
Noon ko narinig ang pagsasalita ni Ellie. Naghalo ang Arabic at English. Nakipagsigawan na kay Mam Noor. Nakarinig pa ako ng "putang ina." Narinig ko ang pangalan ni Aziza na pinutang-ina ni Ellie. Si Aziza ang sinisisi ni Ellie. Sinabihan itong malandi, pero iyon ay sa Tagalog sinabi. Hindi marahil alam ni Ellie kung ano sa Arabic ang malandi. Malakas na nga ang loob ni Ellie. Tinutoo ang mga sinabi sa akin na handa na siyang lumaban kapag nabuking na ang lihim.
Tumahimik sa pag-uusap. Ako ang ninerbiyos sa pagkakataong iyon. Maaaring ako naman ang sunod na kukumprontahin nina Sir at Mam. Mumurahin ako mula ulo hanggang paa. Pamumukhaan at baka kung ano pa ang gawin sa akin. Nakiramdam ako. Ipinagpatuloy ko ang paghuhugas ng kotse. Nang mag-alas-siyete, inilabas ko ang kotseng gagamitin sa paghahatid sa school. Kinatatakutan ko ang sandali na tawagin ako ng mag-asawa. Namalagi ako sa kotse upang hintayin ang mga mangyayari.
Bumukas ang gate. Lumabas ang magkakapatid na ihahatid ko sa school. Wala si Aziza! Nakapasok na ang tatlong kapatid ni Aziza sa loob ng kotse. Hindi ako nakatiis na hindi itanong si Aziza kay Muhammad.
"Mafi Aziza?" (Nasaan si Aziza?)
"La!" sagot ni Muhammad.
Kinabahan ako. Baka kung ano na ang ginagawa kay Ellie sa loob ng bahay. Bakit wala si Aziza. Baka sinasaktan si Ellie. O baka nagwawala na si Ellie at kung ano ang ginagawa. (Itutuloy)