NAGPAKITA na ako ng galit kay Ellie. Iyon ay upang mapigilan ang anumang balak niya na maaaring ikapahamak ko. Masasama na ang mga lumalabas sa bibig ni Ellie at kung hindi ako gagawa ng paraan, baka kung ano pa ang sabihin. Tinakot ko na ibubulgar din ang aming relasyon at siya ang may kagagawan kung bakit kami nakapagpakasal. Sasabihin kong siya ang pumapasok sa aking kuwarto tuwing gabi at ibinigay niya ang sarili sa akin. Ibubulgar ko rin na nagtatago siya ng mga pornographic films at ang mga ito ay nakita ni Aziza at pinanonood pa. Sasabihin kong nalason ang isipan ni Aziza dahil sa kanya. Siya ang may kasalanan ng lahat.
Ang mga sinabi ko ay parang matulis na bagay na tumimo kay Ellie. Nakita ko ang pagkatakot sa mukha at ang hindi malamang gagawin. Nasapol ko ang kahinaan ng kanyang pagkababae na sadyang may takot. Sa wari ay napag-isip na siya rin ang babagsakan ng sisi. Tiyak na siya man ay mapaparusahan at baka mas mabigat din dahil naging kasabwat siya. Tiyak na kapag nangyari iyon, baka mabulok siya sa kulungan dito sa Saudi at kung sasamain, baka mapugot-ulo pa.
"Kung gusto mo akong isumbong kahit na wala namang katotohanan, bahala ka. Pero tiyak na kasama ka rin dito. Hindi ka makalulusot."
Tumayo mula sa pagkakaupo sa kama si Ellie. Lumakad sa may pinto. Akala koy lalabas na. Hindi pala. Bumalik uli sa pagkakaupo. Hawak pa rin nito ang pulang pang-ipit sa buhok ni Aziza.
"Ipahahamak mo ako kahit na wala naman akong kasalanan. Wala ka namang katibayan e dakdak ka nang dakdak," sabi ko uli at tinigasan ko na ang boses.
"E ito, di ba katibayan ito. Bagong hubad sa buhok ito."
"Kahit sa Korte hindi paniniwalaan agad yang ebidensiya mo. Sinabi ko naman sayo na naiwan yan ni Aziza noon pa."
Tumayo uli ito at tumigil sa may pintuan. Sinulyapan ko ang wall clock at nakita kong 4:30 na ng madaling araw.
"Ano ipapahamak mo pa ba ako?" tanong ko.
Humarap sa akin si Ellie at sa pagkabigla koy bumunghalit ng iyak. Nayugyog ang mga balikat. Lumapit ako at sinuyo. Nakadama ako ng awa. Niyakap. Pinatigil ko sa pag-iyak. Sabi koy baka may makarinig.
"Wala namang katotohanan ang ibinibintang mo sa akin," sabi kong pabulong.
Tumigil sa pag-iyak. Tumingin sa akin. Pinahid ko ng palad ang luhang umagos sa pisngi. Suminghot.
"Kasiy mahal na mahal ko ikaw at takot akong mawala ka. Naiisip kong baka isang araw e maagaw ka sa akin ng Arabang iyon."
Hindi ako makaimik. Grabe na nga yata ang pagmamahal niya sa akin.
(Itutuloy)