Yapak a Bubog (Ika-11 na Labas)

(Batay sa kasaysayang ipinadala ni Ren. E. ng Al-Khobar, Saudi Arabia. Si Ren ay 10 taon nang nagtatrabaho sa Saudi. Ang iba pang pangalan at lugar ay binago sa pakiusap ni Ren.)

"KANINO ito?"

Hawak ni Ellie ang pang-ipit sa buhok. Kay Aziza iyon. Naiwan kanina. Natatandaan ko, tinanggal iyon ni Aziza at ipinatong sa mesa bago tumabi sa akin sa kama. Nalimutang kunin dahil sa pagmamadali kanina. Ang pang-ipit ay kulay pula. Hanggang balikat ang buhok ni Aziza na inaalagaan nitong ipitan.

"Kay Aziza ito di ba?"

Hindi ako makaimik. Kung magsisinungaling ako na hindi kay Aziza iyon, lalo akong mapapahamak. Sino lamang naman ba ang nagpupunta sa kuwarto ko kundi si Ellie at si Aziza. Imposible namang si Mam Noor.

"Naiwan ni Aziza ‘yan matagal na. Nagpagawa siya sa akin ng project niya sa school," pagsisinungaling ko.

Hindi kumukurap si Ellie. Ang paghihinala ay nasa mga mata.

"Magsabi ka ng totoo, Ren. Ginagalaw mo na si Aziza ano?"

"‘Yang bunganga mo?"

"Isusumbong kita kay Sir," sabi at hindi malaman ang gagawin. Bumalik sa kama at naupo. Ako’y bumangon. Kinabahan sa banta na isusumbong kay Sir. Hindi ko alam kung nananakot o gusto lamang akong hulihin. Nanindigan ako na walang nangyayari sa amin ni Aziza.

"Sira ba ang tuktok mo. Paano ko gagalawin ‘yun e di napugutan ako ng ulo rito!"

"Ang lalaki kapag malibog, hindi na iniisip ang mangyayari sa kanya. Kahit na mapugutan ng ulo basta maidaos lamang ang kahiligan."

"‘Yang bunganga mo, marinig ka ni Sir. Baka gising na iyon at nagdarasal na."

"Hindi ako titigil. Magsabi ka ng totoo!"

"Anong sasabihin ko e wala namang akong ginagawa."

"Nagsisinungaling ka," sabi at inamoy ang pang-ipit. Parang aso na umamoy sa buto. Kinabahan na naman ako.

"Naaamoy ko pa ang bango ng shampoo rito. Ibig sabihin, kagagamit lamang nito. Siguro bago ako nagpunta rito e nag-anuhan na kayo."

Gimbal ako. Mabilis gumawa ng paraan si Ellie. Subalit nakahanda na ako sa bombang ganti kung hindi pa titigil.

"Sige isumbong mo ako kahit na walang katotohanan at ibubulgar ko na rin ang lahat sa atin. Ilalabas ko na mag-asawa tayo at ikaw ang may kasalanan. Pumupunta ka rito sa akin at ibinigay mo ang sarili sa akin. Sasabihin ko rin na ikaw ang nagpagawa ng pekeng marriage contract."

Pagkatakot naman ang nakita ko sa mukha ni Ellie.

(Itutuloy)

Show comments