Yapak sa bubog (Ika-102 Labas)

(Batay sa kasaysayang ipinadala ni Ren E. ng Al Khobar,Saudi Arabia. Si Ren ay 10 taon nang nagtatrabaho sa Saudi. Ang iba pang pangalan at lugar ay binago sa pakiusap ni Ren.)

Ikinagulat ko ang mga ginawa ni Aziza. Ako na sanay na sa pakikipagrelasyon sa mga babae ay hindi nag-akalang makasusumpong ng babae – at amo ko pa, na matapang na makagagawa ng paraan para muli kaming magkasarili. Unang karanasan sa isang Arabyana na tulad ni Aziza. Ang totoo’y kinabahan ako sa pagkakataong iyon. Naghahalo ang takot at pagkagusto rin naman sa mga susunod pang mangyayari. Tila ako bangkang papel na sinagasaan ng ga-bundok na alon na natangay sa kung saan. Siniklut-siklot. Ang biglang paghila sa akin ni Aziza sa loob ng kanyang kuwarto ay hindi ko inaasahan. Ganoon katapang si Aziza na nakalimutang mahigpit ang batas na ipinatutupad sa kanilang bansa bukod pa sa nakagapos sila sa relihiyon. Iba na nga ang kabataan.

Pagkatapos kabigin ang pinto at ikandado ay mabilis na yumakap sa akin si Aziza at kinuyumos ako ng halik sa labi. Mariin at sabik na sabik. Parang gutom na gutom. Matapang ang dalaga na para ngang wala nang kinatatakutan. Ang nasimulan namin noon ay gusto nang ipagpatuloy. Walang makapipigil sa gusto niyang gawin. Sa palagay ko’y mas nagkaroon ng lakas ng loob sapagkat nasa sariling kuwarto na kabisadung-kabisado ang mga gagawin sakali at magkaroon ng hadlang.

Wala akong magawa kundi ang gumanti sa mapanghamong si Aziza. At sa isang iglap ay nakahiga na pala kami ni Aziza sa malambot na kama. Gumala ang aking kamay. Naghanap. Nasapol ang mayayamang dibdib. Nang magsawa ay gumapang patungo sa ibaba. Tumigil doon. Naghahalo pa rin ang kaba at pagnanais sa akin. Nakikinig pa rin sa bulong ng konsensiya. Masama ang mangyayari kapag nabisto nina Sir at Mam. Pero paano makokontrol ang malakas na hatak ng magneto ng kagandahang nasa harapan.

Si Aziza na ang nagbibigay ng daan. Agresibo ang dalaga. Mayroon pa akong kinatatakutan subalit siya’y walang-wala na. Gusto na niyang ipagpatuloy ang paghahanap ng kakaibang karanasan. Siya na ang nagpadausdos ng kapiranggot na saplot. Isang aksiyon na handang ibigay ang lahat sa akin.

Subalit bago nagawa iyon ay tumunog ang telepono. Namatay ang pagnanasa. Parang apoy na binuhusan ng tubig. Ibinalik ni Aziza ang dumausdos na panloob. Sinagot ang nagri-ring na telepono.

"Halo!"


Habang nagsasalita si Aziza ay nakatingin sa akin. Nasa isang sulok ako. Parang daga na nahuli ng pusa. (Itutuloy)

Show comments