Gustuhin mang tumanggi ni Ellie ay hindi maaari. Ang ganoong kalakaran na ipinahihiram ang maid sa kapatid o magulang ay karaniwan na sa Saudi Arabia at sa iba pang bansa sa Middle East. Hindi ko alam kung kasama iyon sa kontratang pinirmahan pero halos lahat ng mga maid sa Saudi ay dumaranas ng ganoon. Kung ilang buwang hihiramin ng kamag-anak at saka lamang pababalikin sa orihinal na amo kapag nakakuha na ng bagong maid. Maski si Ellie, noong bago pa lamang naha-hire ay naikuwento na madalas mangyari iyon sa kanya sa Jeddah. Hinihiram din siya habang naglilingkod sa prinsesa. Iyon nga lamang, marami silang hinihiram para maglingkod sa kapatid o kamag-anak ng prinsesa. Masaya sila dahil sama-sama.
Sa kaso ng paghiram ng kapatid ni Mam Noor ay kakaiba sapagkat malayo ang pupuntahan sa Riyadh pa na may limang oras ang biyahe (by land) mula sa Al-Khobar at kalahating oras naman sa plane. Sinabi ni Mam na baka isang buwan doon si Ellie sapagkat buntis ang kapatid nito. Umalis daw ang dating maid na Sri Lankan at wala pang makuhang kapalit. Si Ellie nga ang naisip na ipahiram.
Kinagabihay problemadung-problemado si Ellie nang magtungo sa aking kuwarto. Pasado alas-dose na. Kinaumagahan kasi ay ihahatid namin siya sa domestic airport para pumunta sa Riyadh. Masamang-masama ang loob hindi dahil baka masama ang ugali ng mapupuntahang amo kundi isang buwan din kaming magkakahiwalay.
"Kakaasar naman. Mabuti sana kung malapit ang Riyadh," sabi ni Ellie.
"Isang buwan lang naman. Saglit lang iyon."
"Yan lang ang nakakainis sa mga Saudi ano. Kala nila, madali lang sa maid na tulad ko ang magpalipat-lipat."
Pinaliwanagan ko na walang magagawa dahil utos ng amo iyon. Sinabi ko na mabait naman ang kapatid ni Mam Noor na nasa Riyadh dahil minsan na itong nagbakasyon sa Al-Khobar.
"Hindi iyon ang isinasama ng loob ko," sabi ni Ellie.
"E ano?"
"Mami-miss kita."
Hinalikan ko sa labi.
"Baka dito mo patulugin si Aziza," sabing seryoso.
Umandar na naman ang pagkaselosa. Itinuloy ko ang pagsakmal sa labi. Lumaban si Ellie. Para bang isang taon kaming hindi magkikita. (Itutuloy)