Inaamin ko na nasisiyahan na ako sa relasyon namin ni Ellie. Habang tumatagal ay tumatatag ang aming relasyon at nagiging mainit ang pagmamahalan namin. Nagiging mapusok kami pareho kung ang pagsasalo sa pagkaing bawal ang pag-uusapan. Hindi lamang naging "wild" kundi sobra pa sa kahulugan ng salitang iyon. Super bangis na.
Hindi nga namin namalayan na nakadalawang taon na si Ellie sa paninilbihan kay Sir Al-Ghamdi at maaari na siyang magbakasyon sa Pilipinas. At sa pakiwari ko, nalilimutan na ni Ellie na maaari na siyang magbakasyon at ako pa ang nagpaalala sa kanya niyon.
"Maaari ka nang magbakasyon sabihin mo na kay Sir," sabi ko habang naliligo kami isang madaling araw. Sinasabon ni Ellie ang likod ko. Hindi ito umimik. Humarap ako sa kanya at inulit ang sinabi ko.
"Maaari ka nang magbakasyon di ba?"
"Saka na lang. Maaari namang mag-extend di ba?"
"Puwede. Pero hindi ka ba nasasabik sa mga ano mo?" Hindi ko sinabing asawa o anak. Hindi ko maderetso.
Napailing-iling. Hinawi ko ang basang buhok na tumabing sa mukha at siniil ng halik ang labi. Napasinghap kami pareho.
"E, kailan ang balak mo?"
"Gusto ko sabay tayo sa pagbabakasyon. Di ba isang taon na lang at puwede ka na uli?"
Naloko na! Sabi ko na nga bat may binabalak ito kaya hindi makapag-desisyon at urung-sulong sa pagsasalita. Kahit na balak pa lamang iyon ay kinabahan na ako. Kung magsasabay kami sa pagbabakasyon, tiyak na hihiling ito na magkita rin kami sa Maynila. At hahantong din kami sa pagniniig o pamamasyal. Nagpahayag ako ng pagtutol subalit sinabi ko iyon sa mahinahong paraan.
"Baka hindi pumayag si Sir at Mam na sabay tayong magbabakasyon. Walang mag-aasikaso dito sa bahay."
Nag-isip si Ellie. Maaari ngang hindi pumayag sina Sir. Subalit madali ring nakaisip ng paraan kung sakali at hindi pumayag ang aming mga amo.
"Sasabihin kong may problema sa pamilya at kailangang umuwi kaagad ako. Di ba hindi sila makatatanggi dahil emergency iyon."
Naloko na!
(Itutuloy)