Isang hindi ko malilimutan ay nang sitahin kami ni Ellie ng isang religious police o yung tinatawag na motawa. Kinabahan ako sapagkat ang akala ko, matutuklasan na ang aming ginagawang kasalanan. Oras ng pagdarasal noon o salah at ang lahat ng tao sa shopping mall ay pinalalabas upang isara ang mga tindahan sa loob. Tigil ang negosyo upang bigyang daan ang pagdarasal. Ang sinumang sumuway ay parurusahan. Maraming motawa ang paikut-ikot at sinisigurong ang mga tao ay nasa labas ng mall.
Kami ni Ellie ay hindi kaagad nakalabas sa mall sapagkat kasalukuyan kaming kumakain nang i-announce ang salah. Minadali namin ang pagkain. Naglalakad na kami palabas nang marinig namin mula sa likuran ang sigaw: "Qep!"
Nang lingunin namin ay isang motawa. Mabalasik ang mukha. Mahaba ang balbas nito at maraming uban. Pinatitigil kami. Lumapit ang motawa at tinanong kami kung magkaanu-ano. Sabi koy mag-asawa. Hindi raw ba kami asheq o magkasintahan. "La!" sagot ko. Hanggang sa hanapan ako ng katibayan. Mabilis kong inilabas ang marriage contract at ipinakita iyon sa motawa. Inilabas ko rin ang aking iqama. Binasa ng motawa. Para bang inisa-isa ang Arabic translation. Naghahanap ng mali. Hindi naman ako humihinga at palagay koy maski si Ellie ay tinatambol din ang dibdib. Hindi ko magawang mapagmasdan ang motawa habang nagbabasa ng Arabic translation ng marriage contract.
Nakahinga ako nang maluwag nang ibalik ang marriage contract at inambaan ako ng hawak na stick at saka sinabing "Asre!" Bilisan daw namin. Nagkukumahog kami ni Ellie sa paglabas.
Dalawang beses pa kaming nasita ng motawa at sa bawat pagsita ay tinubuan na yata ako ng nerbiyos. Kaya mula noon sa bawat paglalakad namin ni Ellie, pakiramdam ko bay may nakabuntot sa aming motawa upang sitahin kami.
Nang tumagal, nagsawa kami ni Ellie sa kapapasyal sa shopping mall kung Biyernes. Sa "motel" na lamang kami nagpapalipas ng maghapon. Mas safe roon at kasalamuha pa namin ang mga Pinoy. Subalit hindi ko rin inaalis na maaaring may mga Pinoy na maaaring mag-hudas sa amin kapalit ng pera.
(Itutuloy)