NAGULAT ako sa sinabi ni Ellie isang gabi na magkatabi kami sa higaan. Katatapos lamang naming magsalo sa "pagkaing bawal". Magpakasal daw kami. Anong sumilid sa kanyang isip at naisip na magpakasal. Hindi ko alam kung nagbibiro o seryoso siya sa sinasabi.
"Nagbibiro ka ba?"
Umiling. Idiniit ang mukha sa pisngi ko.
"Alam mong hindi tayo puwedeng pakasal dahil pareho tayong me asawa. Mabibilanggo tayo. Dito nga sa Saudi malaking kasalanan na ang ginagawa natin. Pakikiapid ang ikakaso sa atin."
Inalis ang pagkakasubsob sa pisngi ko. Hinawi ang mga hibla ng buhok na tumabing sa mukha. Tumingin sa akin na walang kakurap-kurap.
"Nahihirapan na ako sa sitwasyon natin na laging patago!"
"Alam mo naman sa simula na ganyan ang mangyayari sa atin di ba?"
Natahimik. Nilaru-laro ko ang labi niya at saka pinisil ang pisngi.
"Bakit pa tayo magpapakasal? tanong ko. Di ba okey lang naman ang ganito sa atin. Walang sabit, walang problema."
"Sayo wala, sa akin meron."
Tiningnan kong mabuti. Mata sa mata.
"Bakit anong problema?"
"Gusto na kita e. Noon akala koy "makikipagkuwan" lamang ako sayo pero habang tumatagal, napapamahal ka na sa akin."
Naloko na. Mas matindi nga ang babaing ito. Si Tet e hindi ko naringgan ng ganito. Ni hindi siya bumanggit ng tungkol sa kasal kahit na maaari niyang gawin dahil sa sobrang problema sa asawa. Itong si Ellie, na wala naman sa palagay kong problema sa asawa niya e nagpipilit na makasal kami. Nasobrahan yata sa ligayang idinulot ko.
"Teka, di ba hanggang dito lang tayo sa Saudi tapos wala na? Ano lang tayo... mag-asawa habang narito pero pagdating sa Pilipinas, tapos na," sabi ko.
Hindi umimik. Saka ay isinubsob sa unan ang mukha at umiyak. Naloko na. Hinimas ko ang likod. Pinatigil ko sa pag-iyak.
"Kapag nagpakasal tayo paano ang asawa mo? Paano ang asawa ko?" tanong ko.
Matagal bago sumagot. Subalit mas malaki ang pagkagulat ko nang sabihin na hindi naman niya mahal ang kanyang asawa. Matagal na raw siyang nagtitiis lamang. Tinanong ko kung bakit.
"Hindi talaga siya ang mahal ko. Napilitan lamang ako kaya nagpakasal sa kanya." (Itutuloy)