At nang mag-Saudi nga ako, nadagdagan pa ang aking pag-iingat. Kailangang iwasan na rin ang pagsusugal at pambababae. Isa pang nagtulak sa akin para iwasan ang bisyo ay ang kahigpitan sa bansang aking pupuntahan. Marami ang nakapagsabi sa aking mga kaibigan na ubod ng higpit sa Saudi Arabia. Ang parusa sa mabigat na kasalanan ay pagpugot sa ulo. Bawal ang magsugal at ang makipagrelasyon sa hindi asawa. Kaya ipinangako ko, iwas na sa sugal at iwas pa sa babae.
Ang aking amo na nagngangalang Ibrahim Al-Ghamdi ay nalaman kong may pinag-aralan. Tapos umano ito ng komersiyo sa isang unibersidad. Nakita kong mabait naman si Sir. Sa tantiya ko ay mga 45 anyos siya. Ang kanyang asawa ay napag-alaman kong nagtatrabaho naman sa isang government hospital. Tatlo ang kanilang anak. Dalawang babae at isang lalaki. Si Aziza nga ang panganay. Nang dumating ako noong 1991 doon ay 10 years old lamang si Aziza. Subalit malaking bulas na ito. Palibhasay mayaman at sunod sa luho ang katawan.
Hindi ako gaanong nahirapang maiangkop ang sarili kina Sir. Madali kong naturuan ang aking sarili na makisama sa kanila. Iyon ang isa sa ipinupuri ko sa aking sarili na kahit saan ako magpunta ay kaya kong iagpang ang aking sarili. Mabubuhay ako kahit saan dalhin.
Isang dahilan din kung bakit madali akong nakaakma sa buhay-Saudi ay sapagkat naturuan ako ng Pilipinang maid na naratnan ko roon si Tet. Si Tet ay 32 years old. May asawa rin at dalawang anak. May dalawang taon nang naglilingkod si Tet kina Sir. Dati raw ay tatlo silang maid doon, isang Indonesian at isa pang Pinay subalit nang sumiklab ang Gulf war ay natakot ang mga ito at umuwi. Siya na lamang daw ang natira roon.
Hindi maganda si Tet subalit maganda ang katawan. Bumawi roon. Tamang-tama ang laman. Kayumanggi ang balat. Makinis. (Itutuloy)