'Pinaglaruan kami ng mga duwende' (Ika-38 labas)

Kadalasang ang mga papel na ginagamit ng duwende na pinagsusulatan ng kanilang mga mensahe ay sa pinilas na dahon ng notebook, stationery at pad paper. Gustung-gusto nilang sulatan iyong papel na may guhit para marahil nasa linya ang kanilang sulat. Para silang bata na bago pa lamang nag-aaral sumulat. Minsan nga, sa kawalan siguro nang mahahagilap na papel, pati ang aking blank check ay sinulatan din nila. Natatandaan kong nakalagay sa aking bag ang blank check.

Gaya ng aking nabanggit sa isang nakaraang isyu ng true confession na ito, mayroong puna ang mga duwende sa umano’y maling pagkakasulat. Hindi umano iyon ang tunay na nangyari. Ang mali na kanilang sinasabi ay sa isyu noong September 5, 2001. Narito ang kumpletong sulat ng duwendeng si Bryana na may kaugnayan sa pagkakamaling iyon na nalathala: "Kaibigan bakit mali yung ibang impormasyon na binigay n’yo sa pahayagan? Tulad na lang noong sa ice cream? Alam mong mali iyon hindi ka dinalhan ng ice cream at si Gina ang nakausap sa phone @ hindi ka na namin pinansin noong pumayag kang malagay sa peryodiko ang tungkol sa amin. Sumama ang loob namin dahil di ka man lang nagsabi. Ngunit hindi namin pinansin iyon ngunit ngayon mali ang mga nakasulat halos kasinungalingan! Kasinungalingan! Galit ako! Galit kami."

Ang pagkakasulat ng letter ay halata ngang galit sapagkat sa dakong hulihan ng sulat ay malalaki na ang mga letra bilang pagpapakita ng inis.

Noong October 4 issue ay may puna na naman ang duwende. Ito ay tungkol naman sa aircon. Mali na naman ang pagkakasulat. Naisulat kasi na ako ang nakapansin sa muling pagkaka-on ng aircon sa kuwarto. Sinabi nilang si Gina ang nakapansin niyon. Ang puna ay pinahatid sa pamamagitan ng text. Naka-text: "Mali sulat Ronnie."

Mula noong October 4 hanggang sa kasalukuyan ay walang reaksiyon ang mga duwende.

Noong October 6 (Saturday) ay nagulat ako sa sinabi ng aking asawang si Jun sa Saudi Arabia sapagkat mayroong nag-text sa kanya. Kakaiba aniya ang lumabas na number sa cell phone niya. (Itutuloy)

Show comments