Ang earth spirit ayon sa aking mga na-research ay kinabibilangan ng mga lamanlupa o mga duwende nga. Ang water spirit naman ay kinabibilangan ng mga nimpa; ang fire spirit ay iyong mga salamanders o mga nakatira sa mga maiinit na lugar tulad ng bulkan at mga hot springs samantalang ang air spirit ay kinabibilangan ng mga sylph, isa ring elemental being.
Sinasabi ko ang mga bagay na ito para makapagbigay ng impormasyon sa mga tao. Marami kasi ang nag-aakala na gawa-gawa ko lamang ang kuwento tungkol sa mga duwende. Wala akong pinipilit na maniwala sa pagtatapat na ito. Ang sa akin ay maihayag ang aking mga naranasan, nasaksihan at nalaman sa mga elementals.
Buhat kasi ng malathala sa pahayagang ito ang tungkol sa mga duwende "naglalaro" sa amin ay marami na ang nagpupunta sa school na aking pinagtuturuan at nagpapayo na huwag akong maniwala sa mga duwende sapagkat ang mga ito ay kampon ng kadiliman. Kabilang sa mga nagpapayo ay mga born-again Christians. Huwag ko raw intindihin ang mga ito.
Pero maaari bang hindi intindihin ang isang kakatwang bagay na madalas at paulit-ulit na nangyayari? Hindi ito puwedeng ipagwalambahala. Puwede ko rin bang hindi pagtuunan ng pansin ang pangyayari na pati cellular phone ay kaya rin nilang gamitin para kami mapaglaruan nang husto. (Itutuloy)