'Pinaglaruan kami ng mga duwende' (Ika-18 na Labas)

Pati ba naman duwende ay marunong nang mag-text? Iyon ang naitanong ko sa aking sarili nang sabihin ni Gina na may nag-text sa kanya at nagbabala na maaaksidente sila. Patungo na umano sila sa school at nakasakay sa dyipni nang tumunog ang kanyang cellphone at nang tingnan kung ano ang naka-text, nagulat sapagkat nakasaad na mababangga raw ang dyipning sinasakyan nila. Ang nakapagtataka, ang nakalagay na number nang nag-text ay ang number ng aking cellphone. Paano mangyayari iyon e hindi ko ginagamit ang cell phone ng mga oras na iyon. Hindi ko pa nga nai-cha-charge ang battery nito. Mahirap paniwalaan pero iyon ang nangyari. Katunayan ang mga text na natanggap ni Gina sa kanyang cell phone ay kinopya ko at ngayo’y naka-save sa computer.

Hindi ako ganap na kumbinsido sa nangyari kaya isang plano ang aking naisip para malaman kung ang mga duwende nga ang nagte-text. Isang gabi, pinagtabi namin ni Gina ang aming mga cell phones. Maya-maya’y tumunog ang aking cellphone. May nag-text. Nang aking basahin ay nakalagay: "Wag matigas ang ulo Mother. Hindi kami nagbibiro. Hindi siya dapat pumasok at delikado." Ang nakalagay na number ng cellphone ay kay Gina. Tinawag pa akong mother. Ano ba ito?

Tinawagan ko kinabukasan ang psychic na si Jane at sinabi ang mga nangyari. Sabi ko’y lalo yatang lumulubha ang pangyayari sapagkat gumagamit na ng cell phone ang mga duwende.

Sagot ni Jane: "Isang patunay na kasalamuha na natin ang mga elementals at marunong na rin silang gumamit ng mga makabagong kagamitan. High tech na rin sila."

Halos ganito rin ang sinabi ng isang sikat na psychic na bantog sa paranormal. Tinawagan ko ito sa telepono at ikinunsulta ang nangyayari. Sabi ng sikat na psychic, narito na nga raw sa urban ang mga duwende at iba pang lamanlupa. Kung noon daw ay nasa rural areas sila, ngayo’y narito na sila sa maunlad na sibilisasyon at kasalamuha ng mga tao. Tinanong ko kung bakit hindi sila makita. Ganoon daw talaga sapagkat mas mataas ang level ng kanilang karunungan. Isa pa’y nasa ibang dimension sila na makikita lamang kung nananaginip o nagdedeliryo ang tao at nasa mataas na kalagayan ang consciousness.

Naalala ko nang makita ni Gina ang isa sa mga duwende ay mataas ang kanyang lagnat at nagdedeliryo.

Ang hindi ko malilimutang pangyayari ay nang manalo ako nang malaki-laking pera sa Christmas raffle. Pinaniniwalaan kong kagagawan iyon ng mga duwende. (Itutuloy)

Show comments