May pagkakataong hindi na tumutuloy sa pagpasok sa school si Gina sapagkat kung anu-anong nakasulat sa papel ang aming nababasa. Huwag daw pumasok sa school si Gina sapagkat may mangyayari.
May isang linggo nang hindi pumapasok sa school si Gina at dahil malapit na noon ang examination, pinilit niya isang umaga na bumangon para pumasok. Subalit nagulat na lamang kami nang mabasa ang nakasulat sa papel na nakadikit sa pinto ng refrigerator. Kulay green ang tintang ginamit. Nakasulat iyon sa maliit at makulay na papel (parang post-it) at sinasabi: "Huwag pumasok sapagkat mababangga ang sinasakyan." Natakot si Gina at ganoon din ako. Hindi ko na siya hinayaang pumasok.
May pagkakataong paalis na si Gina sa bahay nang biglang may tumawag na kaklase raw at sinabing wala raw pasok sa kanilang eskuwelahan. Nagtaka si Gina sapagkat bakit mawawalan ng pasok e wala namang okasyon sa kanilang school. Tinawagan niya ang iba pang kaklase. Nalaman niyang may pasok sa school. Nagtataka siya kung sino ang tumawag na iyon na nagsabing walang pasok.
Isa pang kakatwang pangyayari ay nang time na ng examination at nagpilit pumasok si Gina para makakuha. Nakarating siya sa school subalit nang papasok na sa classroom, sinalubong siya ng kanyang teacher at sinabihang umuwi na sapagkat may mangyayari. Nakatulala si Gina nang bumalik sa bahay. Sa tantiya ko, wala pang isang oras mula nang umalis siya sa bahay. Takang-taka ako nang bigla siyang dumating.
"Bat ang aga mong umuwi?" Tanong ko.
"Pinauwi ako ng teacher ko, Mommy?"
"Bakit?"
"May mangyayari raw."
Saka ay parang natauhan si Gina at napamulagat.
"Teka, parang hindi ko yata teacher yon, Mommy. Kakaiba ang mukha."
Kinilabutan ako. (Itutuloy)