"Ayun Mommy umakyat. Tumakbo! Tumakbo!" Sabi pang pasigaw ni Gina na nakatingin sa mesa. Tiningnan ko naman ang mesa subalit wala akong makita. Hindi kaagad ako maniwala sapagkat baka dahil lang sa taas ng lagnat ni Gina kaya siya nagkakaganoon. Pero sa tingin ko namay hindi siya nahihibang sa lagnat at totoong may nakikita.
"Gaano kalaki ang tao?" Tanong ko kay Gina.
"Kasinglaki lang ng isang litrong coke Mommy."
Nagtaka ako. Kasing laki ng Coke pero nakayang hawakan ang aking wallet?
"Anong suot?" Inulit ko uli ang tanong kahit na nasabi na niya iyon kanina. Ibig kong makatiyak.
"Makulay mommy. Me pula, green at violet."
"Saan na nagpunta?"
"Tumakbo na nga. Kanina nasa ibabaw ng mesa. Pero tumakbo pababa. Ewan ko kung saan na nagpunta."
Tiningnan ko ang ilalim ng mesa. Wala akong makita. Wala rin ang wallet.
Kinaumagahan, nagulat ako nang makita ang nawawalang wallet. Nasa ilalim iyon ng mesa. Dinampot ko at ininspeksiyon ang mga laman niyon. Naroon ang aking mga ID, cards, lisensiya at iba pang papeles. Naroon pa rin ang peso bills at barya. Ang tanging nawala ay ang 20 dollars! Sinaliksik kong mabuti ang wallet. Wala talaga ang dollar. Hinanap ko sa ilalim ng mesa at baka nalaglag lamang doon. Wala.
Naghinayang ako sa 20 dollars.
Kinabukasan ang usapan namin ng psychic na si Jane. Bago mag-alas-9 ay nasa Taft Avenue na ako, malapit sa NBI. Doon ang usapan naming magkikita. Hindi ko alam na mas nauna pala siya sa akin. Nakatingin na si Jane sa akin. Para bang nahulaan na niya ako.
"Ikaw si Jane?" tanong ko.
"Oo."
Hindi siya mukhang 45 anyos. Bata pa ang itsura. May kasama siyang lalaki. Lumakad na kami.
Mga ilang metro pa lamang ang layo namin sa bahay ay sinabi sa akin ni Jane. "Meron ngang mga elementals sa bahay mo. Ang bigat ng pakiramdam ko." (Itutuloy)