Bakit siya mahihiya gayong hindi naman grabe ang kalagayan ni Jay. Maaari pa itong magbago. Naniniwala siyang tutuparin ni Jay ang ipinangako sa kanya. Seryoso kasi ito. Pati ang pakikialam ng kanyang mommy ay ipinangako ring tututulan. Hindi na siya basta magsasawalang-kibo at hindi na magiging sunud-sunuran.
"Tuparin mo sana ang mga sinabi mo. Ayaw ko nang umiyak pa. Hindi ko na kaya kung may susunod pang trahedya sa buhay natin," sabi ni Lara kay Jay.
"Wala nang susunod," sagot ni Jay. "Tapos na ang masamang chapter sa ating buhay."
"Paano kung magkita uli kayo ng mga nakarelasyon mong lalaki?"
Hindi agad nakaimik si Jay. Para bang may tumusok sa damdamin.
"Natatandaan ko, lagi kang may kasamang lalaki bago tayo nagkakilala. Ngayon ko lamang lubusang naisip kung bakit close na close kayo ng lalaking iyon. Magkasama kayo kahit saan. Di bat nang mag-outing tayo sa Balayan, Batangas ay kasama siya?"
Napatango si Jay. Si Bong ang lalaking sinasabi ni Lara. Sukol siya sa mga sinabi nito. Nag-urirat si Lara sa mga nangyari sa Balayan.
"Me nangyari sa inyo ng gabing iyon?"
Tumango si Jay. Tinanggap ang kamalian.
"Iyon ang huli," sabi nito. "Matagal na siyang wala rito sa Pilipinas."
"Paano kung magkita muli kayo ng lalaking iyon at may mangyari na naman. Paano naman ako?"
"Tapos na ang kuwento. Hindi na maaaring buklatin pa uli. Pangako."
Niyakap siya ni Jay. Mahigpit na mahigpit. Sapul nang ikasal sila, noon lamang nadama ni Lara ang kahigpitan ng yakap ni Jay. (Itutuloy)