"Ah siguroy naglalasing na naman?" tanong ng tita niya.
Napatango si Jay. Iyon na lamang ang idadahilan niya kung bakit biglang napasugod sa bahay nito. Tutal ay talaga namang naglalasing ang mommy niya. Naipangako naman ni Jay na kahit anong gawing pagtatanong ng kanyang tita, hindi niya aaminin ang tunay na nangyari.
"Maaari bang isang linggo muna ako rito Tita?"
"Kahit dito ka na tumira," sagot ng kanyang tita. "Mukhang mabigat ang dahilan. Magtapat ka nga!"
"Wala Tita. Konting tampo lang kay Mommy."
"Sure ka? Kilala kita. Mahilig kang magtago ng problema. Isa iyan sa maling attitude mo."
"Wala talaga, Tita."
"Paano nga palang pag-aaral mo? Di ba next month e graduation na. At nasa honor roll ka di ba?"
Napatango si Jay.
"Apektado ang studies mo?"
Hindi makasagot si Jay. Baka mahalungkat ang lahat.
"Pumapasok naman ako Tita," pagsisinungaling niya.
"I hope nagsasabi ka ng totoo," umiling-iling ang tita niya. "Sige, matulog ka na at bukas natin ayusin kung ano man ang problema. Kung maaari, ayaw ko nang makisangkot sa mommy mo. Sawang-sawa na ako sa ugali niya. Kaya lamang hindi kita maaaring pabayaan. Lalot nahahalata kong mabigat ang problema mo."
Nadagdagan ang takot ni Jay. (Itutuloy)